Envoy ng Argentina ipinatawag ng DFA

NAKATAKDANG magtungo ngayong araw (Miyerkules) sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ambassador ng bansang Argentina upang makuha ang paliwanag ng kanyang bansa hinggil sa panggugulping ginawa ng mga Argentine sa Pilipinong boksingero matapos na manalo ito sa isang title bout sa Buenos Aires.

Sa isang pahayag sa pahayagang ito, sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Raul Hernandez na ipinatawag ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario si Ambassador Joaquin Daniel Otero ng Argentina upang kunin ang naging aksyon ng kanilang pamahalaan sa ginawang pagkuyog ng mga kababayan nito kay Filipino boxer Johnriel Casimero.

Ayon pa kay Hernandez, nagsampa na rin ng protesta ang embahada ng Pilipinas sa Argentine Ministry of Foreign Affairs upang humingi ng aksiyon kung anong hakbang ang gagawin laban sa mga kumuyog kay Casimero.

Hinihintay pa rin ng embahada ng Maynila sa Buenos Aires ang sagot ng pamahalaang Argentina.

Nagpaabot na rin ng paumanhin ang pamahalaang Argentina sa Pilipinas kaugnay sa insidente.

Matatandaan na ginulpi ni Casimero si Alberto Lazarte ng Argentina noong Pebrero 11 upang maiuwi ang korona sa International Boxing Federation (IBF) super-flyweight. Gayunpaman, hindi pa man naitatas ng referee ang kamay ni Casimero ay sinugod na ito sa lona ng mga galit na galit na kababayan ni Lazarte at pinagsusuntok.

Ligtas na ngayon si Lazarte, kasama ang kanyang grupo at nakatakda itong bumalik sa Pilipinas sa susunod na linggo. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply