Fair game na si Pacquiao

PULITIKA ang nakikitang dahilan ng maraming tao kung bakit binibira ngayon ng mga taga-Bureau of Internal Revenue si boxing champion Manny Pacquiao.

Sumasakit ang ulo ni Pacman ngayon dahil iniimbestigahan siya ng mga taga-BIR sa dahilang hindi umano siya nagsusumite ng tamang rekord ng kanyang mga kinita sa BIR nitong nakaraang mga taon.

Hindi naman sa kinakampihan ko si Pacquiao pero sa sobrang yaman at kasikatan kasi niya ay mukhang marami ang nangangamba na baka nga magkatotoo ang pangarap niya na maging Pangulo ng Pinas balang araw.

Para kasing wala nang imposible sa kanya at kaya niyang magtagumpay kahit anong larangan ang kanyang pasukin.

Maliban sa pagiging isang kampeon sa boxing ay pinasok din niya ang showbiz at entertainment at kahit doon ay nagtagumpay rin siya, at ang ebidensya ay ang kabi-kabilang produkto na iniindorso niya at mga kantang inirekord niya.

Wagi rin siya sa larangan ng pagiging playboy at halos lahat na lang yata ng magagandang tsiks ay naiugnay sa kanya.

Balita rin ang pagiging sugarol niya at kung paano siya pumusta ng milyon-milyon sa mga paborito niyang sugal gaya ng sabong at bilyar.

Hapi na sana siya sa buhay niya pero nagsimula ang malas niya nang pasukin niya ang mundo ng pulitika at mahalal bilang Kinatawan ng Sarangani.

Hindi kasi siya nakitropa sa administrasyon at bagama’t hindi siya lantad na oposisyon ay may ilang panukala naman siyang tinanggihan, gaya nang Reproductive Health bill at hindi rin siya pumirma sa impeachment complaint laban kay Chief Justice Renato C. Corona.

Matapos siyang mahalal bilang congressman ay hindi niya inilihim ang hangarin na maging pangulo kung kaya at simula noon ay naging “fair game” na siya sa mga kapwa

niya pulitiko na gusto ring mamuno sa bansa.

Kung si Pangulong Noynoy Aquino lang ay wala naman siyang dahilan para birahin si Pacquiao dahil hindi naman na siya tatakbo muli sa pagka-pangulo dahil bawal sa saligang-batas iyon.

Ang problema ay ang ilang mga bata niya na mukhang ngayon pa lang ay ino-operate na si Pacquiao para nga naman masira ang diskarte nito at kalimutan na lang ang pangarap niyang maging pangulo.

Kwidaw dapat si Pacquiao dahil baka hindi masiyahan ang mga tumitira sa kanya ay itulad siya kay Al Capone at ipatapon din siya sa “Alcatraz” para talagang mawala na siya sa eksena. He-he-he!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply