Fake birth certificates kinumpiska sa Sabah

KINUMPISKA na ng embahada ng Pilipinas sa Malaysia ang mga pekeng birth certificate na isinumite ng mga Filipino plantation worker sa Sabah upang mabigyan ng Philippine passport, ayon sa pahayag ng Department of Foreign Affairs.

Sa isang kalatas, hindi na rin tatanggapin ng embahada ang anumang transaksyon ng isang placement agency sa Sabah, Malaysia na pinanggalingan ng mga pekeng birth certificate ng mga Pilipino.

Nanawagan din ang embahada sa National Statistics Office (NSO) na magpadala ng mga tauhan sa Sabah upang makapagbigay ng serbisyo sa mga Pilipinong naninirahan sa isla ng Malaysa, subalit inaangkin din ng Pilipinas.

Ayon sa embahada, 11 pekeng birth certificate ang nakumpiska ng Philippine consular mobile office sa Sabah, habang 12 naman ang nakuha ng opisina ng embahada sa Tawau, Malaysia.

Gumagawa na rin ng mga hakbangin ang embahada upang matiyak ang integridad ng pasaporteng ibinibigay sa mga Pilipinong manggagawa sa nasabing bansa.

Nilinaw din ng embahada na bagama’t hindi naman nangangalap ng mga manggagawa sa Pilipinas ang nasabing placement agency, nagbibigay naman ito ng serbisyo sa mga dokumentong kailangan ng mga Pilipino para magkaroon ng work permit.

Sa ulat, karamihan sa mga Pilipinong aplikante ay nagsumite ng pekeng dokumento para lamang malagpasan ang taning na ibinigay ng pamahalaang Sabah sa pagbibigay ng amnestiya sa mga walang kaukulang papeles na dayuhang manggagawa.

Nabatid pa na hindi alam ng mga Pilipino na peke ang isinumiteng birth certificate ng isang placement agency sa DFA upang mabigyan sila ng pasaporte.

Nagbayad ang mga Pilipinong manggagawang bukid ng P3,500 kapalit ng pekeng katibayan ng kapanganakan.

Tinukoy sa ulat na ang Pinoy Resources sa Sabah, Malaysia ang pinanggalingan ng mga pekeng birth certificate, bagamat mariing itinanggi ng may-ari ng kumpanya.

Naniniwala naman ang embahada ng Pilipinas sa Malaysia na kasabwat ng placement agency ang mga tiwaling local civil registrar sa Mindanao upang lokohin ang mga Pilipinong matagal nang naninirahan sa Sabah, Malaysia.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply