Galing ng Pinoy

GALING ng manggagawang Pinoy, kinikilala ng mundo! Isa itong reyalisasyon mula sa kuwento ng buhay ng inhinyerong si Jay Janoras Giroy, isang Filipino sa Malaysia.

Isinilang at lumaki si Jay Janoras Giroy sa Naga City, Camarines Sur. Nakapagtapos siya ng kursong Bachelor of Science in Mechanical Engineering sa Unibersidad ng Nueva Caceres sa kanilang lugar.

Halos pitong taon ding nagtrabaho sa Pilipinas si Jay bago niya napagdesisyunang mangibang bansa upang doon magtrabaho.

Ayon sa kanya, bagama’t sapat ang kanyang kinikita sa ating bansa ay marami pa siyang pangarap na nais maabot, nais rin niyang mabigyan ng mas maginhawang buhay ang kanyang pamilya.

Narating niya ang mga bansang gaya ng Thailand at Singapore. Nagtrabaho siya roon hanggang sa isang oportunidad na magtrabaho sa bansang Malaysia ang dumating sa kanya. Naging isa siyang Pipe stress engineer doon, isang traba-hong bihira lamang sapagkat ang trabahong ito ay nangangailangan ng matinding pag-aaral at kakayahan.

Ngunit, dahil sa likas na kakayahan niya ay siya ang naatasang gumanap ng tungkuling iyon.

Ayon kay Jay, naging madali ang kanyang pananatili sa nasabing bansa lalo na sa pakikisama roon sapagkat mababait at tanggap ng mga ito ang mga gaya niyang Filipino.

Bukod pa roon ay may mga kapwa Pinoy rin siyang mga kasama roon, na kung minsan ay nakakasama pa niyang maglaro ng basketball.

Sa kabila ng pagiging madali ng adjustment period sa pagtira sa Malaysia ay hindi naman nakaligtas si Jay sa kalungkutan dulot ng pagkakawalay sa pamilyang naiwan sa Pilipinas.

Kung kaya’t nagdesisyon siya na isama at dalhin rin sa bansang iyon ang kanyang pamilya. Bagama’t nahirapan noong una, lalo na ang mga anak niya, ay napagtagumpayan rin nila ang hamong iyon.

Sa kasalukuyan ay umaabot na sa daang-libo ang halagang katumbas ng kakayahan at husay na ipinapakita ni Jay sa kanyang trabaho sa Malaysia, na naging daan upang makapagpundar na siya ng bahay at lupa sa Pilipinas, at mga sasakyang maaaring pagkakitaan gaya ng jeep at tricycle.

Sa kasalukuyan ay patuloy na nagsisikap at nagbabanat ng buto sa Malaysia si Jay.

Dito ay patuloy niyang pinatutunayan ang husay at galing ng mga Filipino sa pamamagitan ng kakayahan sa trabaho na kanyang ipinamamalas.

Isa si Jay Janoras Giroy sa mga Pinoy na patuloy na nagpapakilala sa ating lahi at nagpapakita ng mga kakayahang tinataglay natin lalo na pagdating sa trabaho.

Ang ating lahi ay biniyayaan ng Maykapal ng angking talino, husay, kakayahan at talento na maaari nating gamitin upang ipakita at patunayan sa mundo na Tunay na magaling ang Pinoy!

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi.

Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply