Gatdula umiyak sa korte

NAPALUHA si dating National Bureau of Investigation (NBI) director Magtanggol Gatdula nang humarap ito sa Manila Regional Trial Court upang patibayin ang hinihinging writ of amparo at temporary protrection order laban sa Department of Justice at ilang personalidad sa NBI, kaninang umaga.

Sa kanyang pagharap, nagsumite rin ang kampo ni Gatdula ng kanilang mga ebidensya para sa inihaing petisyon kay Manila RTC Branch 26 Judge Silvino Pampilo Jr.

Bukod sa pagtestigo ni Gatdula, kasama sa offer of evidence ni Atty. Abraham Espejo, abogado nito ang sinumpaang salaysay ng dalawang testigong nagpapatunay na may threat sa buhay ng dating NBI chief.

Kabilang din sa mga ebidensyang isinumite sa korte ay ang kopya ng writ of injunction ng Manila RTC Branch 8, police report ng Esmeralda ambush incident, internet prints at media reports na pinaniniwalaang fake ambush ang nangyari kay NBI Deputy Director Reynaldo Esmeralda.

Mahigpit namang tinutulan ni Assistant Solicitor General Amparo Tang, counsel ng DOJ at NBI, ang offer of evidence ni Gatdula dahil wala raw pagpapakita na may banta sa buhay ng dating police general at maituturing aniya iyon na irrelevant and immaterial.

Gayunman, iginiit ni Atty. Espejo na “mere threat is enough” dahil hindi naman aniya sinasabi sa batas na kailangang may mangyari o maganap muna na pananakot o karahasan bago magpasaklolo sa korte.

Sa kautusan ni Judge Pampilo, binigyan ng limang araw ang respondents at petitioner para magsumite ng kanilang memoranda.

Samantala, sinabi naman ni Judge Pampilo na submitted for resolution na ang petition for interim relief kung saan nakapaloob dito ang paghingi ng temporary protection order, inspeksyon sa pinangyarihan ng pag-ambush kay Esmeralda, at medical at ballistic report patugkol sa ambush.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply