Gobyernong Aquino inutil– arsobispo

TINAWAG na ‘inutil’ ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang pamahalaan dahil kawalan ng tugon at aksyon ni Pangulong Benigno Aquino III sa lingguhang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo na labis na nagpapahirap sa mga mamamayan.

Ayon kay Cruz, mistulang ‘untouchable’ at siyang ‘Boss’ ni Pangulong Aquino ang mga dambuhalang kumpanya ng langis sa bansa dahil sila-sila na lamang ang nagdidikta kung kailan dapat itaas at ibaba ang presyo ng langis.

“Ang problema niyan, bakit itong mga dambuhalang multi-national na mga kumpanya ng langis ay untouchable! Itataas nila ang presyo kung kailan nila gusto, ibaba ng konti kung kailan gusto! Hindi sila pinakikialaman at ang gobyerno ay nakatingin. Walang sinasabi! Walang ginagawa! Inutil! Mga kumpanya ng langis lang ang pinagsisilbihan hindi ang taumbayan na sinasabi niyang Boss!” ayon kay Cruz, sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Naniniwala ang arsobispo na kahit pa maaprubahan ng gobyerno ang P125 across the board na dagdag sahod sa mga manggagawa ay mababalewala lamang ito dahil na rin sa mataas na presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.

Binigyang-diin pa ni Cruz na tanging ang pagbasura sa expandet value added tax sa langis ang mabisang paraan para maibsan ang krus na pinapasan ng taumbayan dahil tiyak rin namang tataas muli ang mga presyo ng langis at iba pang bilihin.

Para naman kay Sorsogon Bishop Arturo Bastes, dapat gumawa si Pangulong Aquino ng mga polisiya para tugunan ang kahirapan sa bansa at alisin na ang E-VAT sa mga produktong petrolyo.

Ayon kay Bastes, kailangan nang kumilos ni Pangulong Aquino dahil lugmok na lugmok na sa kahirapan ang mga Pilipino bunsod ng hindi maipigilang pagtaas sa presyo ng langis, presyo ng mga pangunahing bilihin at nakaambang pagtaas ng pasahe na hinihingi ng transport sector sa bansa.

Iginiit pa ni Bastes na dapat bawasan ang pagkaganid sa kita ng mga dambuhalang kumpanya ng langis upang maibsan ang mabigat na pasanin ng taumbayan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply