hindi totoo

IBIGAY ang hilig nang walang ligalig. Ito ang isa sa mga panuntunan na dapat sundin upang maiwasan ang hidwaan. Subalit kung hindi naman magiging maganda ang resulta, huwag na lang upang maiwasan din ang anomang samaan ng loob.

Dahil tumawag si Supt. Cris Mendoza, hepe ng Quezon City Police District–Station 10, sa Pakurot kamakailan sapagkat hindi nakuha ang kanyang panig hinggil sa usapin ng away nila ng isang opisyal kaya’t ilalabas naman natin ang kanyang panig.

May katuwiran si Mendoza nang sabihin niya na kilala ko naman siya kaya’t bakit ko siya binanatan sa dyaryo. Pero matuwid din naman ang dahilan ko na hindi porke’t kaibigan ko siya ay hindi ko siya puwedeng banatan.

Ang layunin natin ay ilabas kung ano ang totoo. Ngayon, kung sinasabi niyang mali ang mga akusasyon sa kanya, ibigay naman natin ang panig niya.

Sabi niya, hindi totoo ang ibinunyag ng source ng inyong lingkod na may sosyo si Colonel sa negosyo ni Lito Motor na jueteng. Wala siyang binitiwang pera para maging kasosyo ni Motor, ayon kay Mendoza.

Iginiit ni Mendoza na hindi rin totoo na nag-aaway sila ni Chief Insp. Ritchie Claraval. Wala umanong nangyari na  murahan sa kanila dahil hindi rin nangyari na tinawagan niya ang huli.

Kung itinuturo siya na nagpapakolekta sa ilang iligal na gawain sa bahagi ng lungsod na hindi naman niya nasasakupan, walang katotohanan iyon. Hindi rin niya ginagamit ang City Hall Police Detachment sa pangungulekta ng mga bata niya sa halip ang kanyang tanggapan ang nagagamit ng mga tauhan ng City Hall Police Detachment sa pangongolekta.

Sinabi rin ni Mendoza na hindi nangongolekta sina Jing Asenas at Buco. Hindi niya kolektor ang mga ito. Malinaw na. Pero sina Asenas at Buco, kasama ng dalawang iba pang tauhan ni Mendoza ay ipina-assign niya noon sa QC Hall Police Detachment pero sa kanya direktang nagre-report ang mga ito.

“Para malaman mo Lea, hindi ko kailangan ang pera dahil milyonarya ang asawa ko,” ani Mendoza nang tawagan ang inyong lingkod sa mobile phone.

Nailabas na ng inyong lingkod ang panig ni Mendoza, siguro naman ay hindi na niya ako babantaan na bubuweltahan ng kanyang relihiyon.

Ipinaaalam ko lang na maraming miyembro ng maimpluwensyang relihiyon ni Mendoza ang kaibigan ng inyong lingkod. Hindi naga-galit ang mga ito na mabanggit ang kanilang relihiyon sa pangungusap. Nagagalit lang sila kapag ginagamit na ang relihiyon sa kapakanan ng isa lang.

Sa madaling salita, ang totoong mga miyembro ng nasabing relihiyon ay isinasabuhay ang kanilang pananampalataya at hindi ginagamit lang sa buhay nila.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814. o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply