Horror/love story nina Derek at Erich, hango sa dulang panteatro ng PETA?

KUNG hindi siguro kumita ang No Other Woman at Praybeyt Benjamin, di pa maiisip ng Star Cinema na i-release na ang “Corazon: Ang Unang Aswang” na noong 2010 pa pala isinyuting nina Derek Ramsay at Erich Gonzales.

Actually, bale indie film ito na ang nagprodyus ay ang Skylight Productions at ang Reality Films na pag-aari ng direktor na si Erik Mati at ang producer-talent manager na si Dondon Monteverde (na anak ni “Mother” Lily Monteverde, ang dakilang eccentric na producer).

Pero parang division ng Star Cinema ang Skylight na pinamumunuan ni Enrico Santos na pinangangasiwa ng Star Cinema sa mga indie film project nila na may pagka-mainstream ang casting (gaya ng My Cactus Heart nina Maja Salvador, Matteo Guidecelli, at Xian Lim).

Swerte ni Derek na hindi ini-release agad ang Unang Aswang dahil ke kumita yon o hindi, magmumukha siyang pang-indie film “lang” na ang production cost ay hindi naman kasing bongga ng Kimmy Dora ni Eugene Domingo na isang indie film “lang” din.

Dahil nauna ngang ipalabas ang No Other Woman at Praybeyt Benjamin at naging monster hit nga ang mga iyon, somehow mukhang malaking pelikula na rin ang Corazon: Ang Unang Aswang, kahit na pang-indie ang budget nito (pati na rin ang karamihan sa mga artista nito, halimbawa’y sina Tetcie Agbayani, Ronnie Lazaro at Sue Prado).

At dahil nga siguro sa pangyayaring galing si Derek sa dalawang monster hit films kaya naisip ng Star Cinema na unahin sa billing sa poster ng pelikula ang pangalan ni Derek. Naging isyu ito nung ipina-press conference ang pelikula kamakailan. Ang feeling kasi ng ilang reporters ay mas nauna si Erich sa showbiz kay Derek at si Erich ang gumaganap sa title role ng pelikula kaya dapat siyang mauna sa billing.

Kami personally, ay may isa pang isyu sa pelikula bagama’t di namin nai-bring out ito nung presscon mismo. Kopya lang ang titulo ng pelikula sa isang dulang panteatro na mula nung 2006 at hanggang ngayon ay itinatanghal pa rin sa mga eskwelaha: ang Ang Unang Aswang na isinulat ni Rody Vera at nagwagi ng Palanca Award. Sa  PETA (Philippine Educational Theaters Association) ito unang itinanghal dahil si Rody ay isa sa pangunahing resident writers ng PETA. Paborito itong itanghal ng theater o drama guilds ng mga eskwelahan. In fact, sa isang unibersidad namin ito napanood nung Agosto nung nakaraang taon, specifically sa Far Eastern University (FEU).

Malamang na alam ni Enrico Santos na may sikat na stage play na ganu’n ang titulo kaya yon ang naisip n’yang gawing titulo ng pelikulang siya ang tumatayong producer. Parang well-read naman siya, at malamang na kaibigan n’ya ang mga taga-PETA na aktibo sa pelikula gaya nina Joel Lamangan, Andoy Ranay at Soxy Topacio.

Ayon sa direktor ng pelikula na si Richard Somes, si Enrico ang nagpasya na tituluhan ang pelikula na Corazon: Ang Unang Aswang.

Simpleng Elsa lang pala ang orihinal na itinitulo ni Direk Richard na siya ring sumulat ng script. Nang mabasa raw ni Enrico na may pagka-love story pala ang supposedly ay horror screenplay ni Direk Richard, iminungkahi raw nito kay Direk na palitan ng Corazon ang pangalan ng babaeng supposedly ay magiging unang aswang sa bansa.

Actually, may nagtanong nung press-con kung dahil sa kasikatan ng yumaong President Corazon Aquino kaya Corazon ang ipinangalan sa character na pinagampanan nga kay Erich. Parang hindi aware ang showbiz press people na may sikat na stage play na Ang Unang Aswang ang titulo kaya walang nagtanong kung nagpaalam man lang ang Skylight kay Rody Vera sa paggamit ng titulong “Unang Aswang.” Katwiran siguro ni Enrico ay di na n’ya kailangang magpaalam kay Rody Vera dahil may Corazon naman sa titulo ng pelikulang ipinoprodyus n’ya at inalis naman ang salitang “ang” sa titulo ng pelikula.

Naitanong namin kay Direk Richard privately pagkatapos nung press-con kung alam n’yang may sikat na play na ang titulo ay Ang Unang Aswang at aniya ay kamakailan lang n’ya yon napag-alaman. At aniya pa ay hindi naman siya ang nagbigay ng titulo sa pelikula n’yang may dalawang linggo nang pinalaalabas sa mga sinehan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply