Hustisya at korapsyon

ANG salitang ‘hustisya’ –  sa totoo lang – ay walang halaga para sa mga ‘may kaya’ (mayaman)  at may sinasabi (kapangyarihan) sa lipunan.

Nguni’t sa mga ‘walang kaya’ at sinasabi sa buhay, ito’y mahalaga.

Ganito ang pakiwari natin, dahil maraming beses na itong napatunayan.

Ang ‘rich’ kasi, nagagawa ang nais sa ngalan ng pera.

Masuwerte nga tayo, dahil ang Pilipinas ay isa sa kinikilalang demokratiko at malayang bansa sa buong mundo.

Masasabi nga na malaya ang bansa pero kumikiling naman ang hustisya sa mga ‘may kaya’ at makapangyarihan – paano ang nakararaming Juan at Maria?

Sa Pinas kasi, nakakiling ang ‘hustisya’ sa  mga tinatawag na ‘rich ang powerful’ dahil sa kanilang katayuan sa buhay.

Marami nang mahihirap na nakulong na walang kasalanan.

Yan ang malimit banggitin ng isa kong kilalang pare mula Malabon.

Bakit ba natatalo ang isang pangkaraniwang kawani na nagsampa ng kaso laban sa kanyang superior sa Office of the Ombudsman?

May sinasabi kasi ang kanyang boss kaya sa Ombudsman nabalewala ang ipinagharap na kasong pang-aabuso sa kapangyarihan.

-Sa issuance lang ng Temporary Restraining Order (TRO), aba’y  milyones ang pinag-uusapan.

Kasi nga, ang daming korap na hukom.

May kilala nga akong pulitiko na umubos na ng daang milyon mabinbin at mawala lang ang suspension order sa kanya.

Aminin ng bawa’t Pinoy  na sa bansa natin, ito ang kalakaran.

Kultura na, ika nga ng ating kaibigang kolumnistang Boy Celario.

Ngunit ‘di dapat maging dahilan ang karamihan ng pera at kapangyarihan para manaiig ang ‘hustisya’ sa mga ‘may kaya’.

Kung walang tusong ‘may kaya’ sa buhay at may takot sa Diyos ang mga hukom, tiyak walang maparurusahan na walang sala.

Pero ang problema nga, eh, matagal nang may kampanya ang pamahalaan laban sa mga tinawag ni Ex-Pres. Estrada na ‘hoodlum na mga hukom.’

Nguni’t hanggang ngayon ay ‘di lang nananatili ang korapsiyon sa judiciary, bagkus lalong lumala pa ang gawain na ito.

Kumbaga, magkadikit na ang hustisya at korapsiyon sa mga korte.

Ang bawa’t problema, may solusyon, ayon pa rin sa katotong Boy Celario.

Kailangan lamang, aniya, magkaroon ng ‘political will’ si Pangulong Noynoy Aquino para maburang tuluyan ang lagayan sa pinamumunuan ni Chief Justice Renato Corona.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply