Impeachment ceasefire oks sa prosekusyon

NAKAHANDA ang House prosecution panel na tumugon sa “Lenten Truce” hinggil sa impeachment case ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Ayon kay Prosecution Spokesman, Marikina Rep. Miro Quimbo, bilang paggalang sa pag-obserba sa Semana Santa ay handa silang manahimik at huwag munang maglabas ng anumang statement kaugnay sa Corona impeachment case.

Gayunman, sana raw ay makiisa rin ang defense team ni Corona sa impeachment ceasefire, lalo’t ito aniya ang panay palabas ng pahayag sa media.

Pinuna ni Quimbo ang pinakahuling pag-amin ni Corona na pag-aaari ng kanyang pamilya ang isang bahay sa Roseville, California na aniya’y binili ng kanyang anak na isang physical therapist doon.

Ipinaliwanag ng punong mahistrado na may kakayahan ang kanyang anak na bumili ng bahay sa Amerika dahil matatag ang katayuan nito.

Ang pag-amin ni Corona ay kasunod ng pagbubulgar ni Raissa Robles sa kanyang blog na may bahay sa Estados Unidos.

Ibinunyag ni Robles na bumili si Charina, anak ni Corona ng ari-arian sa United States noong Setyembre 2008, 22 araw lamang bago siya bumili ng magarang condominium unit sa The Fort, Taguig City.

Dagdag pa ni Robles, kumuha ng $245,000 loan si Charina upang bayaran ang kanyang bahay sa Roseville, California, na mayroong tag price na $269,500 o halos P11.5 milyon.

Sinabi ni Quimbo na kung sila sa prosekusyon ang tatanungin ay handa nilang itikom ang mga bibig, at susulitin na lamang ang bakasyon para makapagpahinga at makasama ang pamilya.

Kasabay nito, inihayag ni Quimbo na pinag-aaralan na ng prosekusyon kung ano ang magiging hakbang sakaling makakita ng ari-arian sa labas ng Metro Manila na pag-aari ni Corona.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply