Impeachment tuloy: Corona guilty o hindi?

IBINASURA na ng Impeachment Court ang kahilingan ni Chief Justice Renato Corona na ideklarang iligal ang kasong impeachment laban sa kanya.

Kalakip ang pagtanggap naman ng lahat ng mga ebidensya, kabilang na ang mga dokumento na may kasinungalingan gaya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth at bank accounts ni Corona, maliban sa dolyares nitong pera sa bangko.

Kasamang ibinasura ang ibang mga kaso na ini-withdraw o iniatras mismo ng mga tagausig-kongresman.

Hindi na diringgin ang anomang testimonya at hindi na tatanggapin ang mga dokumento kaugnay ng mga ibinasurang kaso mula sa dating walo.

TULOY ANG IMPEACHMENT

Ayon sa mga senador-hukom, sa kabila ng pagpipilit ni Corona na patigilin ang paglilitis dahil labag umano ito sa “due process” ng Konstitusyon at may nakasampa pang kaso sa Korte Suprema ukol sa pagiging ligal o hindi ang kanyang kaso, walang ibang hukuman, maging ang Supreme Court, ang may sakop sa mga kasong impeachment kundi ang Impeachment Court lamang.

Kaya tuloy-tuloy na at wala nang makapipigil sa pagdinig.

CORONA GUILTY

Dahil sa hindi napigilan ng kahit sinong Herodes at Pilato ang paglilitis, posibleng ma-convict si Corona.

Ito ang pinaniniwalaan ng mga tagausig-kongresman.

Pero depende pa rin siguro ang lahat, lalo na ang mga kontra ebidensya na ipiprisinta ni Corona.

Kung ganap na malulunod ni Corona ang mga ebidensya ng mga tagausig-kongresman ukol sa kanyang umano’y mga tagong yaman, pagsisinungaling sa SALN at pang-aabuso sa puwesto, wala tayong magagawa kung palalayain siya ng Impeachment Court.

Pero kung lalabas na may katotohanan talaga ang mga ebidensya, ano ang gagawin ng Impeachment Court?

Hindi naman uubra sa Hukumang yan ang patakaran na kung may pagdududa sa mga sumbong at ebidensya, libre na si Corona.

Sapat nang may ebidensya ukol sa kalokohan umano ni Corona at mako-convict na siya.

KANINO KAKAMPI?

Sabi ng mga senador-judge, wala silang kinakampihan.

Sa mga kaukulang batas at ebidensya sila magbabatay ng kani-kanilang mga desisyon. Pero kasabay nito ang pagsasabi nilang pulitikal ang kaso.

Kaya posibleng ang kampihang batay sa puwersang pulitikal ang magtutulak din sa kanila sa paggawa ng desisyon.

GINAGAPANG, GUMAGAPANG

Dahil malakas na impluwensiya ang pulitika sa gagawing desisyon kung guilty o hindi si Corona, hindi natin tuloy maiwasan na pansinin ang mga balita ukol sa mga gumagapang at ginagapang para pumabor o kumontra kay Chief Justice.

Kung totoo ito, nangangahulugan lang na may nangmamaliit sa batas at ebidensya bilang batayan ng mga desisyon.

Mas makapangyarihan ang paggapang sa mga senador-hukom para pumabor o kumontra kaysa pagtangan sa mga batas at ebidensya?

Kung yan ang magtatakda ng kaso, ano ang susunod?

2013 ELECTIONS MALAPIT NA

Anoman ang desisyon ng mga senador-judge sa kasong impeachment, tiyak na magkakaroon ng epekto sa halalang 2013.

Magkakaroon ng epekto sa mga manok nilang  kongresman, gobernador, mayor at iba pa.

Ano ang mangyayari kung hindi magugustuhan ng mga botante ang desisyon ng isang senador na may kandidatong lokal?

Mananalo kaya ang mga lokal na kandidato?

Paano ang re-election ng ilang senador diyan?

Mananalo kaya sila?

2016 ELECTIONS DAMAY DIN

Maaaring hindi malilimutan ng mga botante ang boto ng mga senador-judge sa halalan sa 2016.

Tiyak na may kakandidato sa kanila bilang Pangulo at Bise Pangulo.

Ano kaya ang gagawin ng mga botante sa kanila?

Ang mga sisipa kay Corona bilang Chief Justice at ang mga papabor dito, saan sila dadalhin sa halalang 2013?

KAPAKANAN NG BUONG BAYAN

Sa kabuuan, dapat ang interes ng bayan o ang nakararami ang tingnan ng mga senador-hukom, maging ang mamamayan kaugnay ng kasong impeachment.

Sapagkat kung matatali tayo sa mga interes ng mga pulitiko na mga aktor at kontrabida sa kasong ito, mawawala tayo sa tunay na dahilan kung bakit may impeachment o iba pang pagkakaso sa mga opisyal ng bayan.

Ang pagkakaso sa mga opisyal sa iba’t ibang paraan ay isang paglilinis sa sistemang pulitikal mula sa putik at kalokohan.

Kapag na-convict sa kaso ang isang nagpapayaman lang sa puwesto, sinungaling at magnanakaw, hindi na siya makababalik pa sa puwesto upang magpatuloy sa kanyang mga maling gawa.

Makalalaya ang bayan sa kuko ng ganitong klaseng pulitiko o opisyal ng bayan.

Dapat talagang matanggal ang mga hindi nararapat sa puwesto.

PAMAHALAAN, BAYAN SIRA

Matagal nang naghahari-harian ang mga abusado, korap at sinungaling sa bayan at sa pamahalaan kaya sira-sira ang pamahalaan at buhay ng mamamayan.

Panahon na talagang isulong ang pagbabago.

Hindi dapat na manood na lang tayo at maaaring kumilos tayo sa susunod na mga halalan o maaaring sa mga araw ding ito hanggang sa matapos ang paglilitis.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply