Impeachment ulit at ang Semana Santa

HEARING o pagdinig uli sa kasong impeachment ang mapanonood sa Senado ngayong araw at sa mga araw na darating.

Ano ba ang ating maririnig na mga testimonya at masisilayan na mga dokumento ukol sa umano’y kainosentehan ni Chief Justice Renato Corona sa mga bintang sa kanya na pagpapayaman sa gobyerno at pagsisinungaling dito?

REKLAMO NG MGA BASA

Isa sa mga katanungan ngayon ay kung papayagan ang ilang miyembro ng pamilya Basa na tumestigo laban kay Corona at sa dyowa nitong si Cristina.

Kasi tinapos na ng mga tagausig-kongresman ang kanilang paglalahad ng sumbong at si Corona naman ngayon ang bibigyan ng impeachment court ng pagkakataon na ipagtanggol ang sarili.

Sabi ng pamilya Basa, inapi sila, tinutukan ng baril ang isang miyembro ng pamilya nila at nagugulat sila sa laki ng kayamanan ng kompanyang Basa-Guidote Enterprise Inc. na pinagsosyohan nila at ni Cristina.

Umusok at nagliyab ang away-pamilya at angkan ng mga Basa at Guidote dahil sa pagkakaroon ng mga Corona umano ng interes sa milyon-milyong halaga ng kanilang kompanya.

Bagama’t pampamilya ang away, nakalawit ito sa impeachment.

Pero magkakaroon ba ng pagkakataon na magsalita ang mga Basa ukol sa kanilang nalalaman sa pagkakapangalan kay Chief Justice ng nasa P35 milyong yaman ng nasabing kompanya?

NAGPAINIT MUNA

Kumbaga sa sasakyan, malinaw na nag-warm-up muna si CJ bago ang pagsalang ng kanyang kampo ng mga ebidensya para patunayan ang kanyang pagiging inosente sa mga bintang.

Lumagare sa media si CJ para ipaliwanag ang kanyang panig.

Hanggang sa sabihan siya ng kanyang mga katunggali na hindi sa media dapat na magpaliwanag si CJ kundi sa impeachment court.

Pero, hayaan na lang natin siguro si CJ na personal na umiikot sa media para magpaliwanag dahil ginawa na-man ito ng mga tagausig-kongresman bago sila nagsampa ng impeachment.

Patas lang.

MAGHANDA SA CROSS EXAM

Ang dapat na ihanda ng mga tagausig ay ang kanilang mga cross-examiner.

Kasi naman, sa mga pag-cross examine ni Justice Serafin Cuevas sa mga testigo  ng mga tagausig, kulang na lang na malaglag ang mga karsonsilyo at panty ng mga testigo.

Baka walang mangyari kung hindi mapantayan ng mga tagausig ang talim ni Justice Cuevas sa pagtatanong at paglalabas ng katotohanan o kasinungalingan.

Meron na ngang mga hukom na sumasalo sa mga tagausig para hindi naman sila madamay na ma-wipeout sa nagaganap na tagisan ng mga katwiran.

SAYANG ANG KATOTOHANAN

Kung totoong magnanakaw at nagtatago ng kayamanan si Corona at  kinakambalan nito ng kasinungalingan ngunit makalalaya siya sa kaso, sayang na sayang ang lahat.

Sabi nga sa mga desisyon ng Korte Suprema, the client is bound by the acts of his lawyer.

Kahit na katotohanan lahat ang sinasabi ng mga tagausig kung palpak naman ang mga paraan ng paglalahad ng mga ebidensya hanggang sa magiging hindi kapani-paniwala ang mga ito, saan patungo ang kaso kundi sa paglaya ng may kasalanan?

IMPEACHMENT HINDI KRIMINAL

Kung tutuusin, pabor sa mga tagausig ang kaso dahil hindi kasong kriminal ang iniharap laban kay Corona.

Sa kasong kriminal, sa konting pagdududa sa mga ebidensya laban sa akusado, ginagawaran ang akusado ng kalayaan.

Ang mangyayari ay pabigatan ng ebidensya.

At pagalingan ng pagkuha ng paborableng desisyon mula sa 24 na senador.

Sa kasong impeachment, dahil higit na mamamayani ang konsiderasyong pampulitika kaysa sa mga nauukol na batas at ebidensya, walang nakaaalam kung kanino papabor ang mga desisyon sa mga kasong naiharap ng mga tagausig.

Umaasa na lang tayo na pangingibabawin ng mga senador-hukom ang tadhana ng Konstitusyon at mga kaukulang batas at mga ebidensya.

Tutal sinasabi naman nila na ibabatay nila ang kanilang mga desisyon, pangunahin sa mga nabanggit na gabay sa paggawa ng desisyon.

SEMANA SANTA AT IMPEACHMENT

Ayaw abutan ng Semana Santa ang mga senador-hukom sa pagdinig sa kaso.

Hindi nila feel ang malubog sa usapang korapsyon sa gobyerno.

Mahirap nga namang magkadamay-damay ang lahat sa kasong korapsyon ang laman.

Baka nga naman marami ang hindi makapag-concentrate kahit man lang sa pagdarasal.

Hehehe!

Pero para hindi gaanong lalatay ang pamalo ng  mga nagpepenitensya, napagkasunduan na palilipasin nila nang todo ang Semana Santa bago nila muling buksan at balikan ang paglilitis.

‘Yan ay kung hindi matatapos ang hearing bago mag-Semana Santa.

Posible kasing maudlot ang ibang usapin gaya ng nangyari sa mga tagausig-kongresman na umatras na sa limang kaso at tatlo na lang ang kanilang itinuloy.

LINISIN ANG GOBYERNO

Kung papalpak ang kaso sa impeachment court, hindi dapat na tumigil ang mga tagausig-kongresman.

‘Yan ay kung may katotohan ang kanilang bintang.

Ngunit saan sila pupuwedeng tumakbo para masibak sa puwesto ang sinasabi nilang korap at sinungaling?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring  itawag o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply