Inspirasyon

MINSAN naisip kong daanan ang mga naging proyekto ko noong naninilbihan pa ako bilang Konsehal ng ika-apat na distrito ng Quezon City. Nais kong malaman kung napakikinabangan pa ang mga ito. Sa may Diliman area ay tiningnan ko ang multi-purpose covered court na sa tulong ng buwis ng mga tagalungsod Quezon ay naipatayo. Maganda pa rin at matibay. Maraming kabataan ang naglalaro noon at nang makita ako ay binati nila ako.

Isang ginang na nakaupo sa tabi ay lumapit sa akin “Konsehal, kamusta po kayo? Ako po yung natulungan niyo noong namatay po sa dengue ang dalawang anak ko.” Sa totoo lang ay hindi ko na rin maalala ang sinabi ng ginang. Sa loob ng mahigit na siyam na taon na pakikiramay natin sa mga namatayan sa buong lungsod ay di ko na matandaan lahat ngunit natuwa naman ako at natatandaan niya ako. “Ah opo kamusta naman kayo?” ang sabi ko sa kanya.

“Malungkot pa rin po. ‘Yun po na nakasandong pula, siya na lang po ang natirang anak ko kaya lagi ko po siyang binabantayan,” bang-git ng ginang sabay turo sa batang tinutukoy niya.  Nakalulungkot nga ang mawalan ng mahal sa buhay pero pagdasal na lang natin ang lahat, manang.”

“Ganoon na nga lang Konsehal. Lalo pa ngayong iniwan na kami ng asawa ko at dalawa na lang kaming natirang magkasama ng anak ko. Mahirap pero kinakaya po.”

Umupo ako sa tabi ng ginang nang makita ko sa mukha niya ang lungkot ng buhay, “Eh ano po ang trabaho niyo ngayon?”

“Extra po ako, labandera pag may kumuha sa akin. Awa ng Diyos nakararaos po.”

Nakipagkuwentuhan pa ako sa kanya nang matagal-tagal pag-katapos ay inabutan ko siya ng maliit na halaga na pambaon ng anak niya.

Naisip ko na hindi pala mga proyekto ang dapat ko lang bisitahin. Kailangan ko ring kamustahin ang mga tao na kahit sa maliit na paraan ay naging bahagi ako ng kanilang buhay. Katulad na lang ng ginang na ito.

Para sa akin ay isa lang serbisyong publiko ang ginawa ko para sa kanya ngunit para sa ginang, isang personal na bagay ito na hindi niya malilimutan.

Lahat tayo ay may pinagdaraanang hamon sa buhay. Nakadarama ng matinding kalungkutan na minsan ay nagpapahina ng ating kalooban at nawawalan na ng pag-asa na makabangon pa.

Hindi madali ang pinagdaraanan ng Ginang na aking naikwento. Dalawang anak ang namatay sa dengue, iniwan ng asawa at salat sa pinansyal na kailangan upang makaraos man lang ngunit nagsisikap pa rin siya at sa kabila ng matinding kalungkutan ay tuloy pa rin ang buhay.

Binigyan ako ng panibagong inspirasyon ng Ginang na nakilala ko at marahil marami pang katulad niya na dapat tulungan.

Happy birthday kila Jojo Lumbao ng South Triangle at sa ingat yaman ng San Vicente na si Mam Josie Jimenez. Gusto ko rin batiin sina Ramon A. De lo Santos, Henderson Ting, Conchita Dizon at Mam Clarita Nuñez ng UP Campus. God Bless!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply