Ipagpaumanhin niyo po!

SA AMIN po sa media o press na nagkokober ng motoring beat, kasama na rin po ang motorsports at mga isyu ukol sa gasolina, transportasyon at mga ahensiya ng gobyerno na kaakibat ng mga aking nabanggit ay meron din talagang mga pasaway. Kaya may kasabihang “There is always a rotten egg in any basket.” Ang malungkot lang, sa motoring beat ay hindi naman kami ganoon karami. Kaya lang, dahil sa pagkakamali ng isa o ng kakaunting mga iyan ay di maiwasang nadadamay na rin minsan ang iba.

Sesentro po ako sa mga car manufacturer at distributor. Ang mga car manufacturer at distributor po ay nagpapahiram sa amin ng kanilang mga bagong produkto. Ito ay pinapahiram para aming subukan at makita kung maganda ba o pangit ang kanilang produkto, mabigyan sila ng feedback, at higit sa lahat ay maikwento sa pahayagan, telebisyon, radio, at sa online car sites ang tungkol sa kanilang mga sasakyan pangit man o maganda. Ang mga manufacturer ay marami ring mga event tulad ng mga out of town activity pati na rin ang pagpapadala sa amin sa ibang bansa tulad ng Thailand, Singapore at maging sa ibang bansa sa Europa ng walang bayad. All expenses paid ika nga.

Sa mga nabanggit kong trabaho ay may nagsasamantala paminsan-minsan. Mayroong isang miyembro ng motoring beat na habang dala ang isang demo unit ay nabangga. Tawagin natin siya sa pangalang Harurot. Ok lang naman kung minor at kumpleto ka sa pulis report. Lalo na kung hindi mo naman kasalanan. Ang mga manufacturer at distributor po sa ating bansa ay mapang-unawa po at kahit nga kasalanan mo minsan ay hindi ka sisingilin.

Mabalik tayo kay Harurot. Pagkatapos ng kanyang test drive ay isinauli niya ang unit sa distributor. Laking gulat ng kompanya ng makitang pati bubong ng sasakyan ay may bangga. Ito’y idineklara ng insurance company na total wreck. Pobreng distributor. Ang mga demo unit po ay naibebenta pa ng kompanya o di kaya’y pinapakinabangan bilang service vehicle ng mga bossing o empleyado pag itoy naluma na. Sa ginawa ni Harurot ay binenta na lang ng palugi ang nasabing demo unit. Siya ngayon ay bawal na humiram ng sasakyan sa kompanyang aking papangalanang Dyes Inc.

Ikinagulat ko rin ang balita na nakita siyang nagmamaneho ng produkto ng Dyes Inc. sa isang isinasagawang testing ng mga sasakyan sa may Pasig City. Asus! Luxury brand po ang produkto ng Dyes Inc.

Sa parehong lugar din noong isang taon ay nakita rin si Harurot na pinaiikot ang isang luxury car na naman. Pinaiikot na kung tawagin ay eskuwala o 180-degree turn. Eto pa, isang distributor na tatawagin ko sa pangalang Cotton ang tumawag kay Harurot upang mag-deliver ng demo unit sa kanyang bahay.

Ito ay may kasamang overnight stay sa isang hotel sa lalawigan ng Zambales. Akalain mong hindi niya ginamit ang overnight stay at hindi pa isinauli sa tamang araw ang sasakyan.

Kunwari, kung dapat Lunes isauli ang sasakyan ay Martes na ibinalik ang sasakyan. Tawag at text ang ginawa ni Cotton noong Lunes pero wakang sagot si Harurot. Talaga naman ano. Pero may nagtitiwala pa rin sa kanya dahil hanggang ngayon ay patuloy siyang nasa motoring beat at tumaas pa nga ang posisyon ngayon sa kanyang bagong pinapasukan. Ganun pa man ay hindi na siya makakaulit malamang kay Cotton.

May mangilan-ngilan pang mga ganito pero kulang ang aking kolum para ikwento lahat ng aking nalalaman. Kaya sa mga manufacturer at distributor, pagpasensyahan niyo na po ang mga ganitong halimbawa na ginagawa ng ilan sa aming hanay.

Salamat po ng marami.

* * *

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810 AM. Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa Kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable operators nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply