Kabuhayan hindi pulitika

MATAGAL na nating ipinakikiusap sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na dagdagan naman ng 50 sentimos ang minimum fare ng mga sasakyang pampasahero, partikular na ang dyipni.

Ang akala nga natin ay ito ang aginaldo ng LTFRB sa mga jeepney driver at operator, ngunit dumating at nakalipas na ang Pasko noong nakaraang taon ay bokya pa rin. Hanggang ngayon, mga ‘tol, ay nagte-tengang kawali pa rin ang mga opisyal ng LTFRB.

Maliwanag na hindi ayon sa interes ng pamahalaan ang mabigyan ng kaluwagan ang mga drayber at maliliit na opereytor. Hindi kasi maiiwasang maging pulitikal ang isyu.

“Bad shot” sa milyon-milyong komyuter ang aabutin umano ng administrasyong Aquino. Baka umano daanin sa boto ang pagpapahayag ng pagkaasar nila sa kasalukuyang gobyerno.

Tuwing sasakay nga naman ng isang dyipni o anomang sasakyang pampasahero at magbabayad at masasagi sa isip nila na dati, noong hindi pa namumuno ang kasalukuyang pamahalaan, ay hindi ganito kataas ang pamasahe.

Sa araw ng botohan ay baka nga naman diktahan ng pagkaasar sa pagtaas ng pamasahe ang kamay ng mga komyuter na ito at isulat ang pangalan ng sinomang nasa oposisyon para lamang makaganti.

‘Yan ang nababasa nating linya ng pag-iisip ng mga pulitiko at nasa itaas na bahagi ng burukrasya, mga ‘tol.  Ang problema nila ay hindi pulitika ang pinag-uusapan natin kundi kabuhayan.

Para sa mga miyembro ng sektor ng transportasyon, ang eleksyon ay isang “laro” na pinagtutuunan ng pansin tuwing ikatlong taon lamang. Ngunit para sa mga nasa gobyerno, ang mga pang-araw-araw nilang desisyon ay nakabatay kung makahahakot ba ito o hindi ng mga boto sa susunod na eleksyon.

Kailangang hilahin pabalik sa lupa ang mga opisyal ng gobyerno upang makita ang reyalidad ng kabuhayan ng marami sa ating sektor. Dapat silang igapos upang hindi na muling lumipad sa himpapawid ng pulitika.

Baka sakali, kapag sapat na silang ma-expose sa katotohanan ng buhay sa ibaba ay maisipan nilang iwaksi na ang pagiging maka-sarili.

Malay natin, baka sa wakas ay pakinggan nila ang hiling na 50-sentimong dagdag sa pamasahe.

Gumagalang
Mr. Surplasan

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply