Kahulugan ng tagumpay

YAMAN. Katanyagan. Kapangyarihan. Katayuan sa buhay- Ilan lamang iyan sa karaniwang sukatan upang tawaging matagumpay ang isang tao.

Subalit ano nga ba ang tunay na ibig sabihin ng salitang ‘tagumpay’ na hinahangad ng bawat isa sa atin?

Sa isa sa aking mga pagbisita sa bansang Hong Kong ay naki-lala ko si Therese Ortega – isang matagumpay na Pinay.

Sa aking pakikipanayam sa kanya ay nabigyan ko ng bagong kahulugan ang salitang ‘tagumpay.’

Nagsimula ang working career ni Therese sa hotel industry.

Nagtrabaho siya sa Hilton hotel sa loob ng apat na taon at hindi naglaon ay napalipat siya sa Hyatt hotel sa Baguio.

Taong 1991 nang nagkaroon ng isang malakas na lindol, kasama si Therese sa mga na-trap nang mapinsala ang hotel na kanyang pinagtatrabahuhan.

Subalit isa siya sa mga pinalad na makaligtas.

Matapos ang nasabing trahedya, nabigyan siya ng isang oportunidad na makapagtrabaho sa Hong Kong nang maisipan ng manage-ment ng hotel na pinagtatrabahuhan niya na ihanap sila ng trabaho sa ibang lugar.

Sa Hong Kong dinala ng kapalaran si Therese at doon ay ipinagpatuloy niya ang

pagtatrabaho para sa Hyatt Hotel bilang press liason officer, kung saan tumagal siya ng labindalawang taon.

Bagama’t nakaranas ng mga pagsubok ay hindi siya nagpadaig sa mga ito sapagkat ayon sa kanya ang bawat pagsubok ay nagiging malaki  o  maliit depende sa kung paano ito titingnan ng isang tao.

Para kay Therese, hindi lamang oportunidad upang magkatrabaho ang naibigay sa kanya ng pagpunta niya sa nasabing bansa.

Ayon sa kanya, isa rin itong oportunidad upang makakilala ng ibang mga tao at kultura kung saan maari niyang ipakita at ipakilala hindi lamang ang kanyang kakayahan bilang tao kundi bilang isang Filipino rin.

Taong 2000, lumipat siya ng J.W Marriot kung saan nagtrabaho siya sa communications and PR department nito hanggang taong 2006.

Sa kasalukuyan ay nagtatrabaho siya sa head office ng Penin-sula Hotel Group matapos siyang mabigyan ng oportunidad doon.

Masasabing hindi lamang sa kanyang working career matagum-pay si Therese, maituturing din na tagumpay ang pagkakaroon niya ng isang anak na biniyayaan ng talento at pinalad na manalo sa isang patimpalak sa Hong Kong.

Hangang-hanga ako sa magandang pananaw sa buhay ni Therese, ngunit sa gitna ng aming pag-uusap ay isang hindi inaasahang salaysay ang aking narinig mula sa kanya.

“Success to me is being able to raise a child to have the right values, an individual who is a functioning and contributing member of society; a person who makes a difference in other people’s lives instead of a burden. Success to me is defined by the people you meet and you help along the way by giving opportunities and kindness that would make an impact on somebody. Doing what is right- that is the measure of success for me.”Salaysay niya.

Mula sa mga katagang ito ni Therese ay aking napagtanto na ang tunay na kahulugan ng tagumpay ay nakadepende sa mga bagay na pinahahalagahan, prayoridad at pananaw ng isang tao. Ang mga ito ang magsasabi kung itinuturing ba natin na tayo ay matagumpay o hindi.

Ang tunay na kahulugan ng tagumpay ay nasa puso- ‘Yan ang aral na natutunan ko mula kay Therese isang Pilipino na aking nakilala sa Hongkong.

*******
Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan over-seas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>