Kapartner

HABANG isinusulong ng TRANSPORTER ang “Buy As One Movement” ng 1-UTAK partylist group (kung saan ito ay isa sa mga miyembro), parami nang parami ang mga kasunduang pinapasukan nito.

Dumarami ang mga kapartner, ‘ika nga.

Unang-unang nandyan ay ang itinatayong mga sangay ng Pinoy Transporters and Commuters Cooperative o PTCC sa mga barangay. Ang mga ito ang mga lokal na organisasyon na dadaluyan ng mga pangkabuhayang proyekto ng programang Buy As One Movement o BAOM.

Gayundin ay papasok ang TRANSPORTER sa kasunduan sa mga kompanya ng mga produktong mapapaloob sa BAOM.

Ang pinakamahalaga siyempre, mga ‘tol, ay ang “partnership” sa pagitan ng organisasyon at mga miyembro at tagatangkilik nito.

Kapag ganitong maraming pakikipagkasunduan, nagiging komplikado ang operasyon.

Siyempre pa, patong-patong ang responsibilidad na dapat gampanan ng bawat panig, lalo na ang kooperatiba.

Kaya’t mahalaga ang pagseseryoso ng lahat sa napagkasunduan, mga ‘tol. Posibleng isang maling hakbang lamang ay magiba ang lahat ng pangarap.

Dapat ay kumilos ang lahat at tumupad sa mga gawain, nabanggit man o hindi, na kailangan upang maging matagumpay ang isang proyekto.

Kadalasan pa naman ay ang mga nagpapabaya sa kanilang responsibilidad ang mahilig manisi. Naghuhugas kasi ng kamay na tulad ni Poncio Pilato.

Kaya’t dapat na maging maingat sa pagpasok sa isang kasunduan. Dapat ay malinaw na aasahan ang bawat panig. Kailangang magtulungan sa bawat antas ng gawain. Hindi ‘yung iiwanan na lamang sa ere ang isa at sasabihing, “Bahala ka sa buhay mo!”

Pangit ‘yun, di ba, mga ‘tol?

Hindi ganyan ang mga nakikipagkasunduan. Iisa lamang ang resultang ninanais na kung makakamit ay parehong makikinabang. Hindi ba dapat lamang na magsumikap pare-pareho at ‘wag ubusin ang lakas at oras sa pagsisisihan lamang?

Kung sakaling may ganitong ugali ang ka-partner, walang maaasahang patutunguhan ang proyekto. Mas mainam pang agad nang lumabas sa kasunduan at maghanap ng mas seryoso at matinong ka-partner.

Sayang kasi ang panahon at enerhiya, mga ‘tol, kung mananatili sa isang sitwasyong hindi naman makatutulong sa mga taong sangkot dito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply