KAPRITSO NG LAMAN (Ika-56 labas)

NAGBIBIHIS na si Jason nang pumasok sa kuwarto si Sally. Siya naman ang pumasok sa banyo at naligo.

Tahimik na tinapos naman ng binata ang pagbibihis. Saglit na humarap sa salamin at inayos ang sarili. Nag-spray ng pabango at lumabas na ng kuwarto. Sa salas na niya hihintayin si Sally.

Kaya nang lumabas ng banyo ang babae, wala na ang lalaki.

Siya naman ang hangos na nagbihis …

Saglit ding inayos ang sarili sa harap ng salamin at nag-spray ng pabango sa leeg at dibdib saka lumabas na ng kuwarto.

Nadatnan niya sa salas na nakaupo si Jason at nanonood ng balita sa telebisyon.

Pagbaba niya, tumayo na ang binata.

“Let’s go!” sabi niya kay Sally.

Magkasunod silang lumabas ng condo.

Si Sally na ang nagkandado.

Ilang saglit pa at patungo na sila sa carpark.

Habang nagbibiyahe, hinintay ni Jason na buksan ni Sally ang tungkol sa lakad nila ni Edward bukas pero walang binanggit ang babae.

Ibang topic ang kanilang pinag-uusapan.

Hanggang sa makarating sila sa Taipei 101 na pinapasukan ni Sally.

Humalik ang babae sa pisngi ng lalaki bago bumaba sa kotse.

Nagpatuloy na naman sa pagbibiyahe.

Iniisip niya, baka bago lumakad bukas ay sasabihin din ni Sally ang tungkol sa lakad nila ni Edward.

Tahimik na nakarating si Jason sa pinapasukan …

Wala ring imik na nagtrabaho…

Breaktime na, hindi pa rin siya tumatayo.

Nakangiting nilapitan siya ng officemate na si Nick.

“Maysakit ka ba, pare?” pabiro nitong sabi.

“W-Wala! Nakita mong ganado akong nagtatrabaho. Paano ako magkakasakit?” sagot ng binata.

“Naninibago kasi ako sa iyo. Hindi ka dating ganyan. Madaldal ka habang nagtatrabaho pero ngayon ay parang sementeryo ka sa katahimikan. What’s wrong?” tanong ni Nick.

“Ah… gusto ko lang matapos kaagad ang trabaho ko para makauwi na,” sagot ni Jason.

“Nakita mo naman kung gaano kaganda ang live-in partner ko. Trip ko na lagi kaming nasa loob ng kuwarto. Alam mo na.”

Ang lakas ng tawa ni Nick.

“Nagpapatawa ka pero alam kong hindi iyan ang tunay na dahilan. There’s something more. Pero kung ayaw mong magsabi, hindi kita pipilitin!” sabi ng kaibigan.

“Good decision. Dahil hindi mo naman ako mapipilit na magsabi. Sikreto ko na iyon,” nakangiting sagot ng binata.

“Bahala ka sa buhay mo!” nakatawang sabi ni Nick at bumalik na sa kanyang mesa.

UWIAN. Nagmamadali sa pag-alis si Jason.

Gusto niyang makita kaagad si Sally.

Parang may aagaw at ayaw niyang maagawan.

Gulat na gulat tuloy ang babae sa biglang pagdating ng binata.

Dati kasi, nali-late ito ng mga kalahating oras dahil malayo ang pinanggagalingan nito.

“Ginulat mo yata ako. Ang aga mong dumating,” nakangiting sabi ni Sally.

“May usapan tayo, hindi ba?” nakangiti ring tugon ng binata.

“A-Ano’ng usapan?” kunot-noong tanong ng babae.

“Magbabayad ka ngayon ng utang pati tubo! Kailangang umuwi tayo kaagad para masingil na kita!” pormal na sabi ni Jason.

Natawa tuloy si Sally.

“Akala ko kung ano na!” sabi ng babae sabay kurot sa tagiliran ni Jason. “Masyado kang apurado. Maaga pa!”

“May kasabihan ang mga Pinoy na daig ng maagap ang masipag!” nakatawang sabi ng binata.

“Loko! Sa bukid iyon. Salawikain iyan ng mga magsasaka na maagang nagtutungo sa bukid para mag-araro!” ingos ni Sally.

“Mag-aararo rin naman ako mamaya, ah!” sagot ni Jason.

Inis na kinurot ng babae sa tagiliran ang lalaki.

“Tumigil ka na nga! Mamaya na lang natin pag-usapan ang tungkol diyan, puwede!” sabi ni Sally.

Tumigil ang binata.

Maya-maya pa at nagbibiyahe na sila papauwi.

Muli, ini-expect ni Jason na sasabihin na ni Sally ang tungkol sa pagkikita nila ni Edward bukas. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply