KAPRITSO NG LAMAN (Ika-61 na labas)

“KUNG sakali na may ginagawang milagro si Sally sa Taipei, tabla na kayo. May ginagawa ka rin namang kalokohan dito sa ‘Pinas,” nakatawang sabi ni Tina kay Jude.

Hindi umimik ang lalaki.

Kahit totoo ang sinabi ni Tina, bilang lalaki ay mahirap para sa kanya ang tanggapin na kinakaliwa ng isang babae.

“Bahala siya. Oras na matuklasan ko na niloloko niya ako, hindi ko na siya tatanggapin pagbalik niya ng Pilipinas,” maya-maya’y pormal na sabi ni Jude.

“Paano naman kung matuklasan ni Sally na may ginagawa ka ring kalokohan? At paano rin kung gawin din niya ang iniisip mo?” sabi naman ni Tina.

Biglang nagkibit ng balikat si Jude.

“E, di maghiwalay na kami at tayong dalawa na lang ang magsama.”

Makahulugang napangiti si Tina. Sa isip niya, ganito talaga ang mangyayari.

Hindi pa panahon para magsalita pero darating din ang time na iyon.

Natapos na silang kumain.

“Saan tayo ngayon pupunta?” tanong ni Tina sa lalaki habang nagpapahupa sila ng busog.

“Tapos na tayong mamasyal sa lupa, di sa langit naman tayo mamasyal,” nakangiting sabi ng lalaki sa babae.

Natawa si Tina.

“Okey lang sa akin. Pero huwag na tayong mag-motel. Gastos lang iyon. Doon na lang tayo sa house mo. Lahat naman ng puwede nating gawin sa motel, puwede rin nating gawin doon,” maya-maya’y sabi ng babae.

Makalipas ang ilan pang minuto, umalis na ang dalawa lulan ng motorsiklo ni Jude.

Pareho silang may suot na helmet at nakasuot ng jacket kaya mahirap silang makilala ng mga makakasalubong.

Sa mga sandaling iyon, tapos nang magpakasawa sa kaligayahan sina Jason at Sally.

Nakatulog na ang lalaki pero gising pa rin ang babae.

Maluwag na ang kanyang kalooban matapos mapatunayan kay Jason na hindi niya ito pinagtaksilan.

Pero hindi niya maiwasang manglumo …

Inaasahan kasi niya na pag-uwi ni Edward sa Pilipinas, magsusumbong ito sa asawa niya na si Jude.

Kaya inaasahan niya na isang araw ay tatawag sa kanya ang asawa.

Galit na pagmumurahin siya.

Pagdating ng time na iyon, hindi tuloy niya malaman kung dapat pa niyang sagutin ang tawag ng mister niya.

Nakatulog si Sally na sakbibi ng matinding alalahanin.

Pauwi na si Edward sa tinutuluyan sa mga sandaling iyon.

Dahil sa pagkapahiyang inabot niya sa asawa ng pinsan, buo na ang plano niyang gawin pagdating ng Pilipinas.

Pagdating niya sa tinitirahang bahay, natulog na siya.

Bukas na ang flight niya pabalik ng sariling bansa.

Samantala, pansamantalang hindi muna umuwi si Tina sa sariling bahay.

Ang katwiran niya sa mga magulang, isinama siya sa pagbabakasyon ng isang kaibigan sa Batangas kaya ilang araw siyang mawawala.

Pero ang totoo, nasa bahay lang siya ni Jude.

Nagsasama na silang parang mag-asawa.

SAMANTALA, isang araw matapos dumating ng bansa ay nagpasya na si Edward na dalawin ang pinsang si Jude.

May dala siyang sariling pasalubong bukod pa ang perfume at five hundred dollars na ipinabibigay ni Sally.

Pero ang pinakamatindi niyang pasalubong na ibibigay sa pinsan, ang malupit na impormasyon na natuklasan niya sa maganda nitong asawa.

Nanghiram siya ng motorsiklo patungo sa bahay nina Jude.

Nang kumatok sa pintuan si Edward, nagulat siya nang si Tina ang nagbukas.

Hindi bisita lang ang dating ng babae dahil nakasuot ng pambahay.

Kilala niya si Tina, asawa ni Darrel.

Hindi siya nagtataka kung bakit narito ang babae.

Ang ipinagtataka niya ay ang gayak nito na para bang sa bahay ng pinsan nakatira.

“A-Ano ang ginagawa mo rito?” takang tanong ni Edward.

Hindi malaman ni Tina ang isasagot kaya tinawag niya si Jude.

“Sweetheart, may bisita ka,” tawag ng babae.

Napaangat ang ulo ni Edward sa narinig.

Hindi na niya kailangang magtanong pa kung ano ang relasyon nina Jude at Tina.

Hangos namang lumabas ang pinsan …

Biglang nagliwanag ang mukha nito nang siya ay makita.

“Dumating ka na pala, pinsan. Halika! Tuloy ka!” tarantang entertain ni Jude kay Edward.

Magkaumpok na naupo sila sa salas. At nalaman niyang hiwalay na si Tina sa asawang si Darrel.

“At kayo na ngayong dalawa?” tanong ni Edward.

“Ovious ba?” nakangiting sagot ni Jude.

Napatango-tango ang balikbayan.

Naisip niya, what for na siraan niya si Sally ganitong nagloloko rin ang asawa nito sa Pinas at bestfriend pa ng una ang ginawang kulasisi.  ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply