KAPRITSO NG LAMAN (Ika-62 labas)

NAGPABILI ng beer at pulutan si Edward para magkainuman sila ng pinsang si Jude.

Nagprisinta naman si Tina na siya ang bibili.

Nang umalis na ang babae, kinausap ng una ang pinsan.

“Kailan pa kayo ni Tina?” tanong niya.

“Since na dumating siya mula sa Taiwan. Hindi na siya bumalik hanggang sa madebelop kami sa isa’t isa,” sagot naman ni Jude.

“Paano na si Sally?”

“Hindi ko alam!” nag-uulap ang mukha at may kasamang iling na sagot ng una.

“Bago ako umalis sa Taiwan, nagkita kami ng asawa mo. At may padala siya sa iyo,” sabi ni Edward saka binuksan ang maliit na bag.

Inilabas ang mamahaling pabango na padala ni Sally kay Jude.

Maya-maya’y dinukot ni Edward ang kanyang wallet inilabas ang five hundred dollars na ipinabibigay ng babae sa asawa.

Anyong biglang sinurot ng kanyang kunsensiya si Jude.

Naisip na nagpapakahirap magtrabaho sa abroad ang asawa, samantalang siya’y walang ginagawa kundi magloko.

“Kumusta na ang asawa ko?” maya-maya’y naisipan niyang itanong kay Edward.

Hindi naisipan ng huli na siraan si Sally tulad ng nauna niyang plano.

Ayaw niyang lumabas na tsismoso.

Kung hindi siguro niya nakita na nagloloko ang pinsan, baka isinumbong niya ang kalokohang ginagawa ng asawa nito sa Taipei.

Tutal ay pareho naman silang gumagawa ng kalokohan, bahala na silang dumiskubre sa ginagawang kababalaghan ng isa’t isa.

“She’s okey. Sabi niya, huwag mo raw siyang alalahanin. Alagaan mo raw ang sarili mo habang wala siya!” sagot ni Edward.

Lalong nag-ulap ang mukha ni Jude.

Parang may mga butil ng luha na gustong malaglag sa mga mata pero pinipigilan niya.

Hindi naman naglipat saglit at dumating na si Tina.

May dalang labing dalawang bote ng malamig na beer sa plastic at mainit na lechong manok bilang pulutan.

Nagsimula silang mag-inuman.

Nang masayaran ng beer ang tiyan, naging matabil na si Edward sa pagtatanong.

“Halimbawang nagbalik-bayan na si Sally, tuluyan ka na bang makikipaghiwalay sa kanya at ituloy ang pagsasama ninyo ni Tina?” tanong ni Edward.

Hindi kaagad nakasagot si Jude …

Napatingin sa bestfriend ng asawa na kulasisi niya ngayon.

“Hindi ko pa alam, pinsan. Bahala na pagdating niya,” maya-maya’y sagot ng una.

Napailing-iling na nagpatuloy sa pag-inom si Edward.

Wala na siyang balak bumalik pa sa Taiwan.

Kahit naman siya ay may ginagawang kalokohan doon.

At para maputol na ito, ayaw na niyang bumalik pa sa Taiwan.

Itutuon na lang niya ang kanyang quality time sa asawa at mga anak.

Sapat na ang kanyang naipon para magbukas ng maliit na negosyo. Ito na lang ang pagyayamanin niya hanggang sa lumago.

“Nahihirapan ako sa relasyon ninyo. Pero buhay ninyo iyan. Pinasok ninyo, problemahin ninyo ang paglabas,” nakangiti niyang sabi kina Jude at Tina.

Hindi naman kumibo ang dalawa.

Makalipas ang may ilang oras na pakikipag-inuman sa pinsan, nagpaalam na si Edward.

Uuwi na siya sa kanila.

Nang wala na ang lalaki, si Tina naman ang nagpaalam kay Jude.

Gusto rin muna niyang umuwi sa kanilang bahay.

Alam niya na hindi man siya hinahanap ng ina ay tiyak itong magtataka.

Baka isipin nito na nagloloko na rin siya matapos iwan ng asawa.

Bagay naman ito na totoo.

May lalaki siya sa Taiwan at ngayon naman ay mismong asawa ng bestfriend niya ang kanyang kalampungan.

Hinalikan muna niya sa pisngi si Jude bago umalis.

Nang wala na si Tina, mabilis na naupo sa tabi ng telepono ang lalaki.

Tatawagan niya ang asawa para magpasalamat sa pabango at pera na ipinadala ni Sally sa kanya.

Nag-ring ang telepono sa kalapit ng kama nina Jason at Sally.

Ang lalaki ang dumampot sa telepono pero hindi niya sinagot ang tawag nang malamang overseas call ang tawag.

Sigurado siya na ang asawa ng kasuyo ang tumatawag at ayaw niya itong makausap. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply