KAPRITSO NG LAMAN (Ika-68 na labas)

TUWING umaga nila itong ginagawa.

Habang nagliligpit ng pinagkainan si Sally, papasok naman sa banyo si Jason para maligo.

At habang siya ay nagbibihis, ang babae naman ang papasok para maligo.

Sa salas na niya hihintayin si Sally.

Mabilis kumilos ang babae.

Kaya makalipas lang ang ilang minuto ay pababa na siya ng hagdanan.

Nakabihis na.

Ilang saglit pa at lulan na sila ng kotse ni Jason papasok sa trabaho.

Kung ano-ano lang ang pinagkukuwentuhan nila habang nagbibiyahe.

Malayo sa isyu ng sarili nilang buhay. Ayaw nila itong pag-usapan.

Pag-uugatan lang ito ng kanilang problema at magiging sanhi ng kanilang kalungkutan.

Idinaan muna ni Jason si Sally sa pinagtatrabahuhang jewelry story sa Taipei 101.

Masayang nag-kiss muna sila sa isa’t isa bago naghiwalay.

Pagdating sa pinapasukan, masiglang hinarap ni Sally ang trabaho.

Ganito naman dapat.

Paano sila makaaakit ng kostumer kung malungkot ang kanilang mukha.

Breaktime, nakatanggap ng hindi inaasahang tawag si Sally.

Overseas call …

Mula sa Pilipinas.

Gulat si Sally nang malaman kung sino ang caller.

Si Edward.

Hindi siya nagparamdam ng tampo sa pinsan ng asawa habang ito ay kinakausap.

“Tumawag sa akin kahapon si Jude. Hindi siya galit at nanunumbat. Nagpapasalamat pa nga siya sa ipinadala ko sa kanya. Iniiisip ko na hindi ka nagsumbong sa kanya.

Tama ba ako?” sabi ni Sally.

“Tama ka!” sagot naman ng lalaki.

“Bakit? Akala ko galit ka sa akin dahil hindi kita pinagbigyan. At para makaganti ka, sisiraan mo ako sa aking asawa.”

“It’s no use!”

“W-Why?”

“Nakita ko kasi na pareho lang kayo ng ginagawa ni Jude!”

“What do you mean?”

“Pareho lang kayong naglalaro ng apoy!”

Nabigla si Sally sa narinig…

Hindi niya ito inaasahan.

“A-Ang ibig mo bang sabihin, may babae ang mister ko sa Pilipinas?” paniniyak ng babae.

“Alam ko na hindi ka bingi kaya hindi ka nagkamali ng narinig,” sagot ni Edward.

Hindi malaman ni Sally kung matutuwa o malulungkot sa narinig.

Kung tutuusin, dapat siyang matuwa dahil tabla na sila ni Jude.

May lalaki siya, may babae naman ang asawa.

Pero kahit naglalaro siya ng apoy, masakit pa rin pala sa dibdib na malamang pinagtataksilan siya ng asawa.

“Puwede ko bang malaman kung sino ang kulasisi ng asawa ko?” maya-maya’y tanong ni Sally.

“Magugulat ka kapag nalaman mo kung sino siya,” sagot naman ni Edward.

“S-Sino?” sabik na tanong ng babae.

“Hindi ko puwedeng sabihin sa iyo pero puwede kitang bigyan ng ideya!”

“Sige!”

“Someone very close siya sa iyo. Matagal mo siyang nakasama at parang magkapatid ang inyong turingan!” sagot ni Edward saka ibinaba na ang hawak na telepono para hindi na makapagtanong pa si Sally.

Nag-iisip na pinindot na ng babae ang endline ng kanyang cellphone.

Sino ba ang naging close sa kanya nang husto?

Parang kapatid na itinuring…

Iisang tao lang ang nakikilala niya …

Si Tina.

Pero hindi niya magawang maniwala na magagawa siyang traydurin ng sariling kaibigan.

Hindi pa natatagalan na nakausap niya si Tina at ipinagmalaki nito sa kanya ang katapatan sa kanya ng asawang si Jude.

Hindi kaya siya niloloko lang ni Edward?

At ito ang naisip niyang paraan para gantihan siya dahil sa kahihiyang ibinigay niya? Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply