Kasapi ng New Peoples Army lumalawak — CPP

HAYAGANG sinabi ng Communist Party of the Philippines (CPP) na dumadami na ang mamamayang sumasapi sa New People’s Army (NPA) sa kabila ng tumitinding atake laban sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa kanilang mensahe sa araw ng pagkakatatag ng NPA bukas, Marso 29 sinabi ng partido na mahigit sa 100 ang naitatag na ‘guerilla front’ sa buong kapuluan sa nakalipas na isang taon, habang lumalawak naman ang mamamayang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan.

Anila, nakakalat ang ‘guerilla front’ sa 70 lalawigan ng bansa, at sinasakop nito ang libo-libong mga barrio, lalawigan at lungsod sa Pilipinas.

Sa pag-aaral ng partido, sinasakop ng malalaking ‘guerrila front’ ang 60 hanggang 100 barrio habang 10 hanggang 59 na mga baryo naman ang hawak ng mga small at medium-sized front o katumbas ng batalyon sa AFP.

Pinalakpakan din ng partido ang umano’y natamong tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa kanilang pakikipagtunggali sa mga element ng AFP, upang maiangat sa estratehikong pagkapantay-pantay mula sa estratehikong depensa ang pagtataguyod ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Ayon pa sa CPP, mahusay na na-balanse ng mga rebeldeng NPA ang pakikidigma sa pagsusulong ng tunay na agraryo sa lupa at ang pagtatayo ng mga ‘mass base’ sa mga lungsod at kanayunan.

Ibinigay na dahilan sa pagdami ng mga sumasali sa Hukbong Bayan ay ang patuloy na pangangalap ng mga kasapi mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, ang patuloy na pagbibigay ng mga pagsasanay at ang ginagawang taktikal na opensiba laban sa militar.

Naniniwala rin ang partido na pinaghihinalaang pinamumunuan ni Jose Maria Sison na malapit nang sumabog ang panlipunang bulkan sa bansa dahil sa sunod-sunod na kapalpakan ng pamahalaang Aquino na isulong ang pambansang interest ng mamamayan at pagkapit sa interes ng Amerika at ng mga tinatawag nitong naghaharing-uri sa lipunan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply