Kaso vs Mayor Calixto, et al ikinasa sa Ombudsman

PANIBAGONG kasong korapsyon ang kinahaharap ngayon ni Pasay City Mayor Antonino Calixto, Vice-Mayor Marlon Preserbe at mga Konsehal na sina Richard Advincula, Lexter Ibay, Eduardo Advincula, Alberto Alvina, Pinky Lyn Francisco, Ileana Ibay, Editha Vergel de Dios, Arvin Tolentino, Ian Vendivel, Reynaldo  Padua, Bryan Kristian Bayona, Maria Antonio Cuneta at Richard Roxas.

Ang kasong ito ni Calixto at ng kanyang mga kasamahan ay may kinalaman sa paglabag sa Section 3 (e), (g), (i) at (j) ng Republic Act 3019 o mas kilala sa tawag na Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Umusbong ang kasong ito matapos umanong madaliin ng Sangguniang Panglunsod ng Pasay ang proseso para maigawad ang kontrata sa pagpapaupa ng Pasay City Mall sa Widescope Property Management Corporation kung saan ay sinasabing hindi pa ito dumaan sa public bidding.

Napag-alaman pa na isang residente ng Inocencio St., Pasay City na nagngangalang Pamela Ann Paredes-Bautista ang nagsampa ng kaso laban kina Calixto at mga kasamahan nitong bise-alkalde at mga konsehal.

Ayon pa sa reklamo, lumalabas na umabot lamang ng 12 araw ang pagpoproseso upang tuluyang maibigay ang kontrata sa pagpapaupa sa Pasay City Mall. Tsk, tsk, tsk, mukhang may naaamoy tayong hindi maganda sa madaliang kontratang yan.

Napag-alaman pa na masyado umanong agrabyado ang lokal na pamahalaan sa kontratang ito dahil sa nakalipas na dalawang taon ay kumita ang city government ng P2 milyon kada buwan habang ang lease contract ng Widescope ay umaabot lamang sa P900,000 kada buwan sa loob ng labing-limang taon.

Mantakin ninyo kung gaano kalaki ang diperensya ng kontratang ito.

Hindi kaya may magandang “cash-sunduan” sa pagitan ng magkabilang grupo kaya’t pumayag ang lokal na pamahalaan kahit na malugi ang lungsod?

Kawawa ang kahihinatnan ng mga residente ng Pasay City dahil sa halip na sa public service mapunta ang pera na kikitain ng lokal na pamahalaan ay napunta lamang ito sa bulsa ng mga ganid na pulitiko sa kanilang lugar.

Sinabi pa nga ng mga nakausap nating naninirahan sa Pasay City, nagsisisi sila kung bakit nagtiwala sila sa mga ipinangako nitong si Mayor Calixto nang tumakbong alkalde na gagawin ang lahat mapaganda lang ang kanilang buhay.

Ayon pa sa mga ito, paano magiging maganda ang buhay nilang mga taga-Pasay kung may mga tao sa kanilang gobyerno na ang inuuna ay ang kanilang bulsa bago ang magandang buhay para sa mga residente?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply