Kaso vs Recom, 3 opisyal sa Ombudsman ibinasura

PANALO si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri at tatlo pang opisyal ng lokal na pamahalaan hinggil sa isinampang kaso laban sa mga ito sa Office of the Ombudsman dahil sa alegasyon na hindi pagbabayad ng employees premium contribution sa Government Service Insurance System (GSIS).

Base sa 29-pahinang joint resolution ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, ibinasura na nito ang kaso laban kina Echiverri, City Treasurer Evelina Garma, City Budget Officer Jesusa Garcia at City Accountant Edna Centeno.

Maging ang suspension order na kalakip ng naturang kaso ay tuluyan na ring ibinasura ng Ombudsman at nakasaad pa sa kautusan ni Ombudsman Morales na “no substantial evidence to hold respondents either administrative or criminally liable.”

Dahil dito, agad namang nagpasalamat si Echiverri sa Ombudsman at ayon pa sa alkalde ay lumabas din sa wakas ang katotohanan at napatunayan na nagsisinungaling lamang ang nagsampa sa kanya ng kaso.

Ang kaso ay nag-ugat matapos magsampa sa Ombudsman si vice-mayor Egay Erice ng paglabag umano ni Echiverri at ng tatlo pang opisyal sa RA 8291 (GSIS Act of 1997) Section 3 (e), RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices) at Grave Misconduct and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.

Bago naman ang pagsasampa ni Erice ng kaso sa Ombudsman ay una nang nakipag-ugnayan si Echiverri sa pamunuan ng GSIS upang ayusin ang records ng mga empleyado ng city hall at matuldukan na ang problemang ipinamana sa alkalde ng nakalipas na administrasyon.

Napag-alaman pa na bumuo ng reconciliation team si Echiverri upang maayos ang records ng city hall employees sa GSIS na pinamunuan ni City Administrator Russel Ramirez hanggang sa matapos ito at magkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng naturang ahensiya.

Sa inilabas pang resolusyon ni Ombudsman Morales, napatunayan na walang katotohanan ang alegasyon ni Erice tungkol sa katiwalian na ibinibintang nito sa administrasyon ni Echiverri.

Dahil dito, nagbunyi naman ang mga empleyado ng city hall sa ginanap na flag retreat kahapon matapos makarating sa kanilang kaalaman ang naging tagumpay ni Echiverri sa kinahaharap nitong kaso.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply