Kaye Abad, gustong balikan ni Lloydie

SOBRANG natawa si Kaye Abad nang makarating sa kanya ang naging pahayag ng dating kasintahang si John Lloyd Cruz tungkol sa binanggit ng aktor sa isang interview na gusto raw nitong maka one more chance ang aktres. Bukod sa dating magka-loveteam ay unang naging showbiz girlfriend ni Loydie si Kaye at ganu’n din naman ang huli!

Inulit-ulit pa namin kay Kaye ang dayalog ni John Lloyd na ang kantang  One More Chance ay gusto raw niyang i-apply sa dating girlfriend na si Kaye, huh!

“Kakatuwa naman ‘yun ‘di ba? At least gusto pa rin ni John Lloyd na magkaroon ng one more chance with me,” napalakas pang hagikhik ni Kaye nang makausap namin.

So, type din niyang magkaroon ulit ng “one more chance” silang dalawa ni John Lloyd?

“Hindi naman, ang ibig lang sigurong sabihin niya,eh, one more chance na makatrabaho ko ulit siya. Hindi sa relationship. ‘Wag na nating isali ang sarili natin sa gulo. Alam naman nating masaya na siya ngayon ‘di ba?” balik tanong pa rin ni Kaye sa amin.

Umaasa si Kaye na sana raw ay mabigyan muli silang dalawa ni Lloydie na magkasama sa isang project. Kahit paano raw ay may mga fans pa rin naman daw ang loveteam nila na nabuo dati sa soap opera nilang  Tabing Ilog.

Kung si Lloydie ay very much happy sa relasyon nilang dalawa ni Shaina Magdayao ay inamin sa amin ni Kaye na very much single daw siya ngayon. Kasalukuyang naghahanap pa rin daw siya, huh!

“Sa totoo lang, si Daddy nga,eh, pinipilit na niya akong mag-asawa. Hindi na raw ako bata pero wala pa talagang dumarating, eh. Sana nga meron,” saad pa rin niya.

So, walang katotohanan ‘yung sa kanilang dalawa ni Jason Francisco?

“Naku tigilan na nila ako sa isyung ‘yun. Parehong kaibigan ko sina Jason at Melai (Cantiveros). Kaya malayong ako ang dahilan sa break up nila kung totoo mang break na nga sila,” lahad pa rin ng magaling na aktres.

oOo

DIREK WEN DERAMAS, PARANG MAKINA SA SOBRANG BUSY!

Kinumpirma sa amin ni Direk Wen Deramas na tuloy na tuloy na raw ang Star For all Seasons Vilma Santos para sa pelikulang pagsasamahan nito with Comedy Concert Queen Ai Ai Delas Alas. Pagkatapos daw ng The Healing ay haharapin na agad ni Ate Vi ang shooting ng nabanggit na pelikulang pina-off the record muna sa amin ang title ng movie.

“Pang-filmfest ang movie na ito at sigurado akong pag-uusapan nang lahat ang pelikulang ito dahil maraming first time sa movie na ito,” pagmamalaki pa agad sa amin ng magaling na direktor.

Sey pa ni Direk na matagal-tagal na ring walang entry si Ate Vi sa Metro Manila Filmfest at sa pagbabalik pestibal ng  aktres ay siguradong matutuwa raw ang mga Vilmanians. So, iinit muli ang rivalry nina Ate Vi at Ate Guy na meron ding filmfest entry?

“Well, exciting ‘di ba?” sagot na lang agad sa amin ni Direk Wen.

Incidentally, magiging super bisi ang box office direktor  Wen Deramas sa taong ito. Bukod sa taping ng Wako, Wako ay tinatapos niya ngayon ang pelikulang Moron na pinagbibidahan nina Luis Manzano, Billy Crawford, Marvin Agustin, DJ Durano at Mart Escudero.

This coming April 7, Black Saturday, ay ipapalabas ang pelikulang co-produced pa rin ng Viva Films at ng Star Cinema.

Masuwerte raw kasi para kay Direk ang Black Saturday dahil dalawang pelikula na niya ang ipinapalabas sa araw na ‘yun na pawang kumita sa takilya. Ito ang mga pelikulang  The Lucky Ones at ang Cute ng Ina Mo.

After ng Moron 5 ay gagawin na rin ni Direk Wen ang pelikulang pagbibidahan naman nina Toni Gonzaga at Vice Ganda at ang movie naman with Maricel Soriano, Aga Muhlach and Roderick Paulate na under STar and Viva Films pa rin.

oOo

VILMA SANTOS, INDIE ACTRESS NA RIN!

Walang katotohanan ang balitang hindi na raw matutuloy ang Cinemalaya (taunang film festival para sa mga indie films) ngayong taon. Tuloy na tuloy pa rin daw ito at si Mr. Tony Boy Cojuangco pa rin ang the man behind dito. Ito ang napag-alaman namin mula sa isang source na malapit sa asawa ni Gretchen.

Nagkakausap na raw ang mga taong namamahala ng Cinemalaya at naayos na raw ng mga ito ang naganap na kaguluhan na may kinalaman sa pagkaka-disqualify ng pelikulang MNL 143. Kasama pa rin daw sa mga tauhang namamalakad sa Cinemalaya ang nauulat na magre-resign na sina Direk Laurice Guillen at dating Seiko producer na si Robbie Tan.

Incidentally, speaking of indie films, mukhang tuloy na tuloy na rin ang paggawa ng Star for all Seasons ng isang indie movie sa taong ito. Limang araw lang daw ang shooting ng movie at kung maaayos ang time table ng lady governor ay join na rin si Ate Vi sa mga indie actresses natin.

Sa isang interview kay Kuya GErms ay binanggit nito na may gagawing indie movie na rin daw si Nora Aunor pero ang talagang kasama na rin sa mga gumagawa ng indie movies ay ang young superstar na si Judy Ann Santos. Tapos na raw gawin ni Juday ang first ever indie movie ng Primetime Drama Queen.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply