Komite vs media killings itatatag – Antiporda

IPINAHAYAG ni Alyansa ng Filipinong Mamamahayag (AFIMA) President Benny Antiporda na plano na ng Department of Justice na bumuo ng bagong komite na tututok sa mga kaso ng pagpatay sa mamamahayag.

Ayon kay Antiporda, ito  ang isa sa mga nabanggit ni Justice Undersecretary Francisco Baraan nang idulog nila sa DOJ ang nakababahalang sitwasyon ng mga kagawad ng media na nagiging biktima ng karahasan.

Ayon kay Antiporda, nais ng DOJ na magkaroon ng investigating power ang komite para matulungan nang husto ang mamamahayag.

Inamin din ni Baraan na kapos sa ngipin ang Task Force 211 o ang Task Force Against Political Violence dahil trabaho lamang nitong i-monitor ang mga kaso ng nagaganap na political killings.

Umaasa naman si Antiporda na hindi mananatiling mungkahi ang nasabing plano dahil mas kinakailangan ngayon ang agarang pag-aksyon ng gobyerno nang sa gayon ay hindi na naisusugal pa ang buhay ng mga kagawad media.

Kasama ni Antiporda na nagtungo sa DOJ si National Press Club President Jerry Yap at ang maybahay ni Romy Olea, brodkaster sa Bicol na pinaslang noong Hunyo, 2011.

Pinakahuli sa mamamahayag na nabiktima ng karahasan ay ang reporter ng Pahayagang The Daily Tribune na si Fernan Angeles na kritikal pa rin ang kondisyon makaraang pagbabarilin at bugbugin sa Pasig nitong Linggo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply