Kris Lawrence nahihiyang nabuntis si Katrina Halili

GRABE naman Kris Lawrence. Nakikipagtaguan sa press. Ayaw daw magsalita kaugnay sa pambubuntis na ginawa niya kay Katrina Halili. Inis nga raw ito at talagang tikom ang bibig sa isyu.

Dahil sa pag-iinarte niyang ito, isang bagay ang naglalaro sa isipan ng ilan nating katoto sa panulat. Gusto raw yata nitong palabasin na hindi sa kanya ang batang nasa sinapupunan ng Kapuso star.

Naku, napaaga yata ang kalbaryo ni Katrina sa purgatoryo. Pagkatapos siyang paasahin at paglaruan ni Hayden Kho, heto’t sesegundahan naman ng singer.

Mabuti na lamang at mabait sa kanya ang GMA-7. Dinig namin hindi raw titigbakin ang karakter niya sa teleserye nina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Palalabasin na lang yata nilang nabuntis ng kung sinong pontio pilato si Katring. Mabuti naman kung gayon, atleast, meron siyang iipunin para sa kanyang baby. Ano nga naman ang aasahan niya sa ama ng bata na maliban sa wala namang gaanong trabaho ay medyo nagdadalawang-isip pa ngayon na akuin ang kanyang responsibilad. Ikinahihiya ba niya ang ginawa niya sa sexy star?

Anyway, ayon naman sa isang fan page na nabasa namin na mukhang may direktang ugnayan sa magkasintahan ang sumulat: “Our dear goddess is three months pregnant as of writing and her longtime boyfriend Kris Lawrence is the father of the baby. The two are happy with this new chapter of their life and next week, they’re about to tie the  knot.

“With that being said, Katrina is planning to go home to her hometown in El Nido, Palawan while waiting for her baby’s birth. To Kris and Katrina, congratulations!”

Sana totoo ito para naman happy si Katring.

***

Kuya Germs very vocal na sa pagpuna kay Nora

Noon ay tameme si German Moreno sa pagsasalita ng mga mga negative comments about Nora Aunor. Ngayon ay unti-unti na niyang inilalabas ang nasa kanyang dibdib. At mukhang mababawasan na naman ng isang lider si Ate Guy.

Punong-puno na raw kasi ang Master Showman sa hindi magandang ugali ng Superstar.
Hanggang ngayon daw ay dala-dala pa rin nito ang ugaling siya lang ang dapat nasusunod. Pagkatapos nga siyang layasan bilang manager dahil ayaw makinig sa kanya, nagpahawak sa TV5 at ngayon ay umalis at kumuha ulit ng panibagong manager.

Ano naman kaya ang gagawin ng bago nitong manager? Eh, balitang babalik na lang muna sa US si Ate Guy dahil nababato na rito sa Pilipinas dahil walang trabaho.

Alisan ba naman kasi ng poder ang Kapatid network na humawak sa career niya, so, ano pa nga ba ang magiging reaksyon ng grupo ni Mr. Manny Pangilinan kundi magpakita ng tikas. Sila pa ang pagmamalakihan ng aktres samantalang ito ang nangangailangan sa kanila at hindi naman sila ang klase ng TV station na maghahabol-habol sa isang artista kung ayaw sa kanila. Marami yatang mapapa-pirate dyan. Hehehe!

***

Mga programa sa ABS CBN ngayon Semana Santa

Magnilay-nilay at patatagin ang pananampalataya ngayong Semana Santa. Handog ng ABS-CBN ang ilan sa nakakaantig nitong specials, drama at pelikulang tatak Star Cinema at maging mga dokyumentaryo simula Huwebes Santo (Abril  25) hanggang Biyernes Santo (Abril 26).

Simulan ang paglalakbay sa pagtuklas ng “Mga Kuwento Sa Lupang Pangako” na nilikha ng Jesuit Communications Foundation. Tampok dito ang dalawang dokumentaryong “Sa Mga Yapak Ni Hesus” at “Ang Makabagong Disipilo” na parehong kinunan sa Israel.

Ang “Sa Mga Yapak Ni Hesus” (Huwebes Santo Abril 5, 12p.m.) ay kwento ng mga Pinoy na peregrino na naglakbay papuntang Holy Land sa pamumuno ng kanilang pilgrimage master na si Manila Archbishop Chito Tagle. Sa halip na talakayin ang pagpapakasakit at pagkamatay ni Kristo, ipaiintindi sa kanila ng arsobispo ang tagumpay na hatid nang muling pagkabuhay ni Hesus at kung anong maidudulot nito sa hinaharap.

Ang dokumentaryong ito’y ilalahad ng beteranang broadcast journalist na si Cheche Lazaro.

Sa “Ang Makabagong Disipulo”  (Biyernes Santo Abril 6, 5p.m.) naman, kilalanin ng husto si Fr. Luis Antonio “Chito” Tagle na ngayo’y arsobispo na ng Maynila.

Ipapakita ang kanyang kauna-unahang paglalakbay sa Holy Land ilang linggo matapos siyang maging pari. Ang dokyumentaryong ito ay ibabahagi ni ABS-CBN anchor Bernadette Sembrano-Aguinaldo.

Samantala, ipapalabas din ang ilan sa mga episodes ng “Maalaala Mo Kaya” na nagpaluha at nagbigay-inspirasyon tulad ng “Krus” sa Abril 5, 7p.m., “Tsinelas” kung saan tampok ang namayapang aktor na si AJ Perez sa Abril 6, 7p.m. at “Traysikel” sa Abril 7, 7p.m.

Si Korina Sanchez  naman ay ihahandog ang dalawa sa “Rated K” episodes niyang milagro ang tema sa Abril 5 at 6, 6p.m., at maging ang “Kwento Ng Buhay Ko” episode na finalist sa New York Festival sa Abril 7, 6p.m.

Ilan sa di-makakalimutang dokumentaryo ng “Krusada” at “Patrol ng Pilipino” ang mapapanood din Samahan ang premyadong mamamahayag na si Tina Monzon-Palma tampok ang mga taong nalapampasan ang malalaking pagsubok sa buhay dahil sa pananalig sa Panginoon. Si Abner Mercado naman ay aalamin ang kalagayan ng mga matandang preso sa pagtutok niya sa tatlong inmates na umasang mapapalaya noong Disyembre, ngunit hindi napagbigyan at ngayo’y nasa Correctional Institution for Women (CIW) pa rin.

May Star Cinema favorites din na kukumpleto sa Semana Santa sa inyong buong pamilya.
Abangan ang “Dubai” sa Abril 5, 10a.m., “I’ll Be There” sa Abril 5, 10:30p.m., “Ang
Tanging Yaman,” Abril 6, 10a.m., “Sa’yo Lamang,” Abril 6, 8:30p.m., “Paano Kita Iibigin,” Abril 7, 10a.m., at “Till My Heartache Ends,” April 7, 8:30p.m.

***

Para sa inyong mga opinyon at reaksyon, tumawag lamang o magtext sa  #09074582883 at #09351851227 o kaya’y mag-email sa kuya_abepaul@yahoon.com at maari  n’yo rin kaming silipin sa aming facebook account, i-type lamang ang aming  pangalan. Mabalos!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply