Kuha sa CCTV ang magpapatunay!

ITONG mga nakaraang araw, naging isyu ang paratang ng isang barangay tanod ng Guadalupe, Makati kay Chairman Francis Tolentino.

Dahil sa pahayag ni Ramon Palma na pinalo siya ng batuta ng MMDA boss, naging sentro ito ng talakayan sa media.

Natural na pag-usapan ito sa tri-media (radio, print at telebisyon) dahil ang pinararatangan ay isang government official.

Kumbaga, ito’y newsworthy dahil ang nasasangkot ay isang kilalang public servant at mababang barangay tanod lamang.

Ayon kay Palma, pinalo siya ni Chairman Tolentino ng batuta kaya pinagpiyestahan ng media ang kanyang kuwento.

Sa unang bugso ng balita, marami ang nagalit. Sino nga ba naman ang matutuwa sa pananakit ng isang opisyal ng gobyerno.

Mabuti na lang at  may closed circuit television camera na nagpapatunay na ‘di totoo ang paratang ni Palma sa MMDA chief.

Klaro sa  kuha sa CCTV camera na totoong inagaw ni Chairman Tolentino ang batuta pero ‘di niya ito ipinalo kay Palma.

Imbes tuloy na maawa tayo kay Palma, aba’y kay Tolentino napunta ang simpatiya ng publiko  dahil sa nakita sa CCTV.

‘Ika nga ng ating kaibigang Gus Abelgas: “Hindi nagsisinungaling ang ebidensya.”
Ang kuha sa CCTV ay malinaw na sinungaling si Palma.

Ang sabi ni Chairman Tolentino, kaya siya napasugod sa Guadalupe ay dahil ang kanyang mga tauhan ay hinaharas sa lugar.

Ang naturang lugar kasi ay sukdulan ang problema sa buhol-buhol na trapiko dahil sa kaliwa’t kanan at naghambalang na illegal terminal.

Ang illegal bus at jeep terminal ay pinagkakakitaan at totoo ang pahayag ng MMDA chief na ang nagpapatakbo ay sindikato.

Ang mga illegal terminal ay nagsisilbing obstruction kaya nagiging dahilan ng problema ng trapiko sa buong Metro Manila.

Sa maraming taon, ang illegal terminal ay ‘di natanggal dahil pinagkakakitaan ng sindikato na binubuo ng mga lokal na opisyal  at pulis.

Nakatutuwa dahil ngayon ay kumikilos na ang liderato ng MMDA – sa katauhan ni Chairman Tolentino – laban sa illegal terminals. Pero marami na ang nangakong MMDA heads na kanilang wawalisin ang illegal terminals, pero walang ipinakitang positibong resulta.

Sana nga, sa liderato ni Chairman Tolentino, masawata na ang illegal terminals.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply