Kung ano ang itinanim…

NAGTATAKA ang isang nakatatandang kaibigan ko na produkto ng First Quarter Storm. Hindi niya maubos-maisip kung bakit hindi pa nagpupuyos sa galit ang sambayanang Filipino sa gitna ng mga sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

“Bilib naman talaga ako, bostsip,” aniya sa akin. “Kung nangyari ito noong panahong kabataan ko, tiyak may anarkiya na sa kalsada!”

Hindi ako nagdududa. Bagama’t hindi ko naabutan ang aktibismo noong Dekada Sitenta (Batang 80’s to-its, Bok) ay marami naman akong narinig at nabasang mga kwento kung gaano kabagsik ang mga aktibista ng panahon ng kaibigan ko.

Hindi niya mawari ang antas ng pagtitiis ng mga Pinoy sa panahong ito.

“Ano ang nangyari sa butil na itinanim namin noon?” tanong niya. “Ito ba’y namatay nang hindi man lamang nakasilay ng sinag ng araw? Ito ba ay nilapastangan ng mga pasista nang ito’y punong-kahoy na? O hindi nadiligan nang maigi sa pagsisimula ng buhay nito?”

Hindi ako agad nakakibo. Hindi ko rin kasi alam. Pero matalim ang pagtitig niya sa akin at sa hitsura niya ay talagang hihintayin niya akong sumagot.

“Baka napagod na,” praktikal kong sagot sa mala-pilosopikal niyang tanong. Wala siyang reaksyon, tila hinihimok akong magpaliwanag sa aking simpleng sagot.

“Siguro ay sa tingin nila’y wala namang nangyayari,” ‘ka ko. Nagkibit-balikat ako, senyales na hanggang doon na lamang talaga ang aking maisasagot.

Napailing siya at sabay sabing: “Kunsabagay, heto nga’t buhay at kinabukasan na ang itinanim namin, lalo na ang aking mga kasamang namayapa na, pero tila ni kanti sa kolektibong aktitud ng sambayanan ay hindi kami naramdaman.”

Hindi naman lubhang totoo ang kanyang sinabi. Kalahating totoo at kalahating hindi.

Tiyak kong may malaking epekto ang aktibismo noong ‘70 at ‘80, ngunit marahil ay hindi pa sapat upang magkaroon ng “paradigm shift” o pagbabago ng kolektibong pagtingin ng buong sambayanan sa usapin ng papel nila sa pagbabago ng lipunan.

Proseso naman ‘yan, sabi ko sa kaibigan ko. Ang mahalaga ay hindi pa naman tayo lumalabas sa proseso.

Darating din ang puntong hindi na makatitiis ang mga tao sasabog ang damdamin nila na parang Bulkang Pinatubo.

Ito ang pagbubunga ng itinanim ilang dekada na ang nakalilipas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply