‘Lakbay-Alalay’ ng DPWH lalarga na

TINIYAK ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga motorista ang maayos na paglalakbay ngayong Semana Santa matapos na ipag-utos ni Secretary Rogelio Singson ang muling pag-arangkada ng ‘Lakbay-Alalay’ program.

Ayon sa isang kalatas, sisimulan ng DPWH ang pagtatayo ng mga motorist assistance booth sa mga pangunahing kalsada sa buong bansa, partikular na sa North at South Luzon Expressway simula sa Marso 30 ng alas-6:00 ng umaga hanggang sa Abril 10 ng alas-12:00 ng tanghali.

Katuwang ng DPWH ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP) at mga local government unit. Aayudahan ng mga kinatawan ng DPWH ang mga motorista sakaling magkaroon ng aberya ang kanilang mga sasakyan sa mga pambansang lansangan.

Inatasan din ni Singson ang mga regional at district director na madaliin ang pagsasa-ayos ng mga lansangan, gayundin ang paglalagay ng mga babala at directional signs sa mga kalsadang patungo sa mga lalawigan upang mabigyan ng tamang impormasyon ang mga biyahero.

Ayon pa sa kalhim, sinasamantala nila ang panahon ng tag-init upang mapabilis ang mga pagawaing-bayan, habang tinitiyak naman na mayroong mga alternatibong dadaanan ang mga motorista upang maiwasan na maipit sa mabigat na daloy ng trapiko.

Umaasa rin si Singson na sa sandaling matapos ang lahat ng mga ginagawang kalsada ay magiging maluwag na ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan.

Humingi rin ng pasensiya si Singson sa mga motorista na apektado ng iba’t ibang pagawaing-bayan, kasabay ng pag-apela na maaaring gamitin ng mga biyahero ang mga inilatag na alternatibong lansangan patungo sa kanilang pupuntahan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply