Leeg ng paslit pinilipit ng magnanakaw

MUNTIK nang matigok ang isang batang lalaki matapos pilipitin ang kanyang leeg ng lalaki na kanyang naaktuhang nagnakaw sa pera ng kanyang magulang sa Davao del Sur kaninang umaga.

Inoobserbahan pa sa Digos General Hospital sanhi ng pagkasakal sa leeg ang biktimang si Jaico Mojinitano, 8, ng Nainit, Barangay Kapatagan, Digos City.

Nasukol naman agad ng mga residente at ngayon ay nakakulong na sa Digos City Police Office detention cell ang suspek na si Glen Menesio, 31, pintor at residente ng Abono Barangay Aplaya, Digos City.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente 9:30 ng umaga ilang metro lamang ang layo sa bahay ng biktima.

Bago ito, nahuli ni Mojinitano ang suspek na pumasok sa kanilang bahay at kinuha ang P36,640 na perang nakatago sa baul ng kanyang magulang.

Sa takot na magsumbong, hinabol ng suspek ang biktima at nang maabutan ay pinilipit ang leeg nito pero may nakapansin sa komosyon kaya sumaklolo ang mga kapitbahay sa pangangailangan ng biktima.

Nahuli naman agad ang suspek at nabawi ang salapi na ninakaw nito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply