Lessons learned from life

“ANG tagumpay hindi mo matatamo na basta na lang darating, kailangang pagpaguran mo ‘yan”- mga katagang tumatak sa aking isipan habang kinakapanayam ko si Joey Ortega, isang Pinoy sa Hong Kong.

Isang maykayang angkan sa Pilipinas ang kinabibilangan ni Joey. Ipinanganak siya sa Quezon City at nakapagtapos ng pag-aaral sa Ateneo. Lumaki siya at namulat sa isang magaan na buhay sapagkat ang kanyang ama ay isang pulitiko sa bayan ng La Union. Bagama’t hindi nakarara-nas ng kahirapan ay hindi ito sinamantala ni Joey upang hindi na magtrabaho at magpasarap na lamang sa buhay. Nais niyang tumayo sa sarili niyang mga paa.

Nagtrabaho siya sa beer division ng San Miguel Corporation at noong mga panahong iyon niya nakilala ang kanyang asawa na isang PR manager sa isang hotel sa Baguio.

Subalit dahil sa isang hindi inaasahang pangyayari ay nagdesisyon ang maybahay ni Joey na lisanin ang Pilipinas at hanapin ang kapalaran sa Hong Kong.

Dahil sa laki ng kanyang pag-ibig para sa kabiyak ay nagdesisyon si Joey na manirahan na rin sa Hong Kong at iwanan ang buhay na kinagisnan sa Pilipinas.

Nagtrabaho siya roon.

Bagama’t nakararanas ng kahirapan sa paninirahan at pakikipag-sapalaran sa ibang bansa ay hindi ito naging hadlang upang sumuko sa hamon ng buhay si Joey.

Alam niya na darating ang araw na maka-pag-aadjust din siya at magiging madali na ang lahat pagdating ng araw na iyon. Bukas ang isipan ni Joey na wala silang maaasahang mag-asawa kundi ang isa’t isa sapagkat mas pinili nilang manirahan sa ibang bansa.

“Dito sa Hong Kong matututo kang mag-washing machine kasi hindi naman laging may katulong. Meron silang day-off pag Linggo so matututo kang gumawa ng household chores,” aniya.

Sa kasalukuyan ay nagtatrabaho siya sa DKSH, kung saan siya ang nag-iisang Filipinong nagtatrabaho sa health care division ng nasabing kompanya.

Dahil sa patuloy na pakikibaka sa laban ng buhay, pagsisikap at pagtitiyaga ay naka-adjust na si Joey sa pamumuhay sa Hong Kong, kung saan masasabing stable na ang kanyang pamilya at sa kasalukuyan nga ay pinalad pa na manalo sa isang patimpalak doon ang anak nila ng kanyang kabiyak.

Napatunayan niyang kaya niyang magtagumpay sa sarili niyang pagsisikap at ayon sa kanya ay marami siyang natutunan sa kanyang karanasan sa paninirahan sa Hong Kong – mga karanasang maaari niyang ibahagi upang kapu-lutan ng aral sa buhay.

Tunay nga na ang kaalaman ay hindi lamang natin matututunan sa apat na sulok ng paaralan, ito ay maaring makuha mula sa ekspiryensya at maging sa mga taong nakasasalamuha at nakakausap natin, gaya ng mga Pinoy na patuloy na namumuhay at nakikipag-sapalaran sa ibayong dagat.

* * * * * * *

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply