Libre na, lugi pa, sino’ng niloloko n’yo?

KAMAKALAWA ay tinalakay natin dito ang mga negosyong eskwela sa Subic Bay Freeport Zone na pinamamahalaan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Nakapanlulumo na malamang ilan sa mga ito ay naniningil naman ng tuition fee at kung ano-ano pa sa mga estudyante pero libre pala sa upa sa lupa at mga gusali, iyong iba ay may pabahay pa, hindi isa, hindi dalawa, kundi 17 bahay sa kaso ng Brent International School, Subic.

Ito Ang Totoo: umaabot pala ng mahigit kalahating milyong piso ang matrikula sa Brent, katunayan, miscellaneous pa lang, mga P150,000 na ang binabayaran ng mga magulang ng bawat estudyante.

Kaya naman tumutulo ang laway ni dating Tourism Sec. Mina Gabor na nagtayo rin ng negosyong eskuwelahan sa Subic, kasabwat si dating Administrator Armand Arreza, ang International School of Sustainable Tourism (ISST).

Ang gandang pakinggan, pang-international na paaralan. Ang inookupahan nito ay ang dating Blain Theater ng U.S. Naval Base noon na ginawang Subic Bay Arts Center (SUBAC) ng SBMA.

Pero Ito Ang Totoo: hindi naman malinaw ang pagiging paaralan nito at katunayan, may restaurant na ino-operate sa SUBAC na taliwas sa deklaradong gamit bilang paaralan kaya nga libre sa upa sa lupa at gusali.

At hindi lamang ang makasaysayang Subac ang inari ni Ginang Gabor, may dalawang iba pa, bale tatlo sa magkakaibang lugar sa Freeport.

Pati ang dating Calibration Laboratory  (Callab) ng U.S. Navy sa upper Cubi na may magandang tanawin ng Subic Bay at ang isang dating yarda ng used vehicles sa may dating Naval Magazine (NavMag) ng U.S. Navy, ay ipinagkaloob din sa kanya nina Arreza. Pareho itong wala pa namang aktibidad, nakareserba lang para sa kanyang kamahalan-Mina. Sa likod ng ISST ni Gabor ay may isa pang paaralan kuno na libre rin, walang bayad sa upa. Ang CPEC o Corporate Personality Enhancement Center na pag-aari naman ng isang Gina Prohorov na massage parlor operator at kumandidatong konsehal pero isinukang mamamayan ng Olongapo.

Bigat ng pangalan pero ano ba ang itinuturo dito, housekeeping? Massage? Paano naging corporate ito at nag-qualify bilang paaralan sa loob ng Freeport na libre sa upa sa gusali at lupa?

Ito Ang Totoo: Ang CPEC na libre na sa upa, ay nagsumite pa ng financial statement sa SBMA na lugi raw, walang kinita!

Paano mangyayari iyon eh, libre na nga ang upa, may sigurado pa itong kita dahil karamihan sa mga estudyante nito ay mga scholar ni Zambales 1st District Cong. Mitos Magsaysay.

At dahil sa halimbawa ng Brent, ISST ni Gabor at CPEC ni Prohorov, hindi na rin nagbabayad ngayon ang Aura College, Subic Montessori at iba pa.

Ang mga libreng ito ang pumapatay sa mga nagbabayad ng upa sa lupa at gusali o kaya’y bumili ng sariling lupa at nagpatayo ng sariling gusali sa labas ng Freeport sa Olongapo City.

May lumapit na sa atin na humihingi ng tulong dahil sa napipintong pagsasara ng STI Olongapo. Dahil umano sa hindi na kayang ipagpatuloy ang operasyon nito, ni hindi na pagtatapusin ang mga nag-enroll sa first year, bagay na hindi rin dapat payagan.

Kita niyo? Dahil sa kalokohan ng iba, taong bayan ang nagdurusa sa iba’t ibang paraan at porma.

Kaya kung talagang seryoso si SBMA Chairman & Administrator Roberto V. Garcia sa kanyang trabaho at babatay sa “tuwid na daan” ni Pangulong Noynoy Aquino, itutuwid niya lahat ng mga kamalian ng nakaraang administrasyon at kakasuhan ang mga may pananagutan upang, inuulit natin, hindi na pamarisan. Ito Ang Totoo.

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebookhttp://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply