Life sa 3 Chinese na natimbog sa buy-bust

HABAMBUHAY na pagkabilanggo ang ipinataw ng Parañaque Regional Trial Court (RTC) sa tatlong Chinese nationals na nadakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement

Agency (PDEA) sa isang buy bust operation may dalawang taon na ang nakararaan.

Sa 18-pahinang desisyon ni Parañaque RTC Judge Danilo V. Suarez ng Branch 259, inatasan din niya ang mga akusadong sina Sun Xiao Xu alias William Chua, Wenxian Hong alyas Andy Hong at ang babaeng si Xiu Qin Shi alias Kim Sy na magbayad ng tig-P3

milyon bilang danyos matapos makuha sa kanila ang pitong kilo ng shabu nang isagawa ang buy-bust operation.

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Jose Gutierrez, Jr., napatawan din ng dalawang bilang na habambuhay na pagkabilanggo sina Sunxiao Xu at Wenxian Hong matapos mapatunayang nagkasala sa pagbebenta ng 500 gramo ng shabu habang napawalang-sala rito si Kim Sy.

Sa kabila nito, sinabi ni Gutierrez na ang pagpapataw ng parusa ng hukuman sa tatlon dayuhan ay patunay lamang ng tagumpay ng hustisya sa bansa, pati na rin sa paglaban sa ilegal na droga.

Matibay aniya ang iprinisinta nilang mga ebidensiya kaugnay sa ginawang paglabag ng mga dayuhan sa Section 11 Article II ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 kaya walang duda at pag-aalinlangan ang naging hatol ng hukuman.

Batay sa rekord ng korte, nadakip sa isang buy-bust operation noong Abril 18, 2010 sa

Dona Soledad Avenue, Better Living, Parañaque City ang tatlo matapos ang ilang linggong pagmamanman ng mga ahente ng PDEA.

Nakatakda namang ilabas ng hukuman ang commitment order na mag-uutos sa PDEA na dalhin na sina Xu at Hong sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City habang si Shi ay ibibilanggo naman sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply