Ligtas na paggamit ng LPG ipinasisiguro

HINIMOK ng pamunuan ng Total Philippines ang Kongreso na isulong ang agarang pagpapasa ng nakabimbing panukalang batas na magbibigay daan upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan sa paggamit ng liquefied petroleum gas (LPG).

Sa ginanap na LPG safety forum na itinaguyod kanina ng Total Philippines, ipinaliwanag ni Malou Espina, corporate communication chief ng Total na mahalagang maipasa sa Kongreso ang LPG Industry Population and Safety Act of 2011 dahil makapagbibigay ng sapat na kapangyarihan sa pamahalaan na kumpiskahin ang mga depektibo at pekeng tangke na mapanganib sa buhay at ari-arian ng consumers.

Maitataas din aniya ng panukalang batas ang mga kaukulang multa at parusa sa mga lalabag sa consumers safety at magkakaroon ng parehas na kompetisyon sa industriya ng LPG.

Sa naturang safety forum, ipinaliwanag naman ni LPG Industry Association Inc. Executive Director Mercedita Pastrana na nasa kamay din ng consumers ang pamamaraan para sa ligtas na paggamit ng LPG, kabilang ang pag-iwas sa pagtangkilik ng mga mura at hindi kilalang brand at masusing pagsusuri sa mga pekeng tangke na pininturahan lamang upang magmukhang bago.

Hindi aniya dapat isakripisyo ng consumers ang kanilang buhay at ari-arian sa pagtangkilik sa mura subalit hindi tiyak kung peke orihinal ang tangke na kanilang bibilhin.

Pinawi rin ni Pastrana ang pangamba sa kalusugan ng amoy na idinudulot ng auto LPG dahil ang katotohanan aniya ay wala naman talagang panganib sa kalusugan ang pagkakalanghap nito maliban sa posibleng bahagyang pagkahilo.

Nagbigay din ng babala si Pastrana sa consumers na iwasang patayin o buksan ang anumang uri ng appliances o switch ng ilaw sa oras na makalanghap ng singaw ng LPG dahil ito ang magdudulot ng posibleng pagsabog ng sumingaw na tangke.

Hindi rin aniya dapat makialam ang consumers sa pagkukumpuni ng nasira o nagka-deprensiyang regulator o host nito at ipaubaya sa mga tauhan ng dealer ng LPG na may sapat na kaalaman upang maisaayos ang nasirang host o regulator.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply