Lotto jackpot hindi kinubra ng 2 winner

MAKARAANG mabigo ang dalawang lotto winner na kubrahin ang tinamaang jackpot prize noong nakaraang taon ay lumobo na sa mahigit P28 milyon ang nakalaang pondo sa Charity Fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ayon kay PCSO general manager Atty. Jose Ferdinand Rojas II, binibigyan nila ng isang taong palugit ang lotto winners upang kubrahin ang kanilang panalo at sa oras na lumagpas na ang ibinigay na palugit ay hindi na nila ito puwedeng makuha at awtomatik na idaragdag na sa charity fund.

Napag-alaman na noong nakaraang taon, dalawang mananaya na solong nakakuha sa tamang kombinasyon ang nabigong kubrahin ang kanilang panalo kaya awtomatikong napunta ang kanilang napanalunang salapi sa charity fund.

Sinabi ni Rojas na isang taga-Binondo ang dapat sana ay nagwagi ng jackpot prize ng 6/42 lotto na binola noong Marso 15, 2011 na may kabuuang premyong P23,7672,775.60 habang isa pa na tumaya sa outlet sa Harrison Plaza ang solo ring nakakuha sa lumabas na kombinasyon sa 6/45 noong Marso 25, 2011 na may premyong P4.5 milyong piso subalit kapwa hindi nakubra ang kanilang tinamaang salapi.

Ipinaliwanag ni Rojas na ang pondo ng PCSO Charity fund ang tumutustos sa mga programang pang-kalusugan partikular na sa pagbibigay tulong sa mga maralitang nararatay sa karamdaman, pagsasagawa ng medical mission, pagbili ng ambulansiya, pamamahagi ng mga mobile clinic at iba pa.

Bukod sa mga hindi nakukubrang panalo, napopondohan din ang PCSO Charity Fund mula sa mga mananaya na tumatangkilik sa lotto, digit games at scratch-it games na ginagamit sa pamamahagi ng tulong at benepisyo sa higit na nangangailangan.

Pinayuhan naman ni Rojas ang mga mananaya sa lotto na suriin ang kanilang tiket at huwag palagpasin na alamin ang resulta ng bolahan dahil baka ito na ang tsansa na mapabilang sa mga naging instant milyonaryo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply