Madadayang istasyon, eroplanong natatapilok

MEDYO nakaramdam tayo ng takot, mga Bro, sa ulat ng US Federal Aviation Authority ukol sa kaligtasan ng  mga eroplanong lumilipad sa loob ng mahal kong Pinas at palabas nito.

INSPECTOR TONGPATS

Sabi ng USFAA, hindi kuwalipikado ang mga inspektor sa Pinas na nagsasagawa ng mga inspeksyon sa mga eroplano at pasilidad sa mga paliparan.

Nag-iisyu pa umano ang mga ito ng mga sertipikasyon na safe ang mga eroplano at paliparan kahit bagsak ang mga ito sa panuntunan.

Dahil ba sa pinasasakay nang libre ang mga inspektor na ito gaya ng reklamo ng USFAA?

AYAW SA USA AT EUROPA

Dahil sa pagpeke sa sertipikasyon ng kaligtasan ng mga eroplano at paliparan ng mga hindi kuwalipikadong inspektor, ayaw tuloy papasukin sa Amerika at Europa ang mga eroplanong nanggagaling sa Pinas.

Lalo na ang mga local carrier natin, ang mga kompanya  na pag-aari at inoopereyt ng
mga Filipino.

Pati ang mga dayuhang eroplano na dumaraan sa inspeksyon ng mga hindi kuwalipikadong inspektor, eh, hindi rin pinapapasok sa nasabing mga bansa.

BAGSAK NA TURISMO

Dahil naman dito, siyempre, ayaw sumakay ang mga turista at iba pang gustong pumunta sa Pinas sa mga eroplanong kaduda-duda mula sa inspeksyon.

Baka naman maging flying coffin o lumilipad na kabaong ang mga ito.

Nakatatakot naman talaga ang sumakay sa eroplanong basta na lang sasabog sa ere, magda-dive sa kung saan-saan at lalapag o lilipad sa mga paliparang may kakambal palang disgrasya.

Kaya naman, hindi nakapagtataka kung kakaunti ang mga turista na pumupunta sa Pinas kumpara sa mga pumupunta sa Singapore, Thailand, Vietnam at iba pang mga bansa na kalapit- bansa lang natin.

PAANO ANG MGA LOKAL?

Paano ngayon ang mga lokal na eroplano at paliparan natin sa mga lalawigan?

Hindi kaya parehong iniinspeksyon ng mga hindi qualified na mga inspektor?

Hindi ba ito ang dahilan kung bakit maya’t maya ay may sumasadsad at bumabagsak na mga eroplano?

Kahapon nga lang, eh, may sumadsad na eroplano sa Palawan dahil nalubak ito habang tumatakbo at naghahandang lumipad?

Ano ba yan, huh?

Paliparan yan.

Minsan pa ngang may nasagasaan na traysikel sa isang paliparan nitong nakaraang mga buwan.

THERE’S NO FUN IN THE PHIL

Siyempre disgrasya ang aabutin mo sa kagagawan ng mga tarantadong inspektor.

At sa paglilisensya sa mga ito bilang inspektor ng pamahalaan ng Pinas.

Dahil dito, binubura na lang ang Pinas sa listahan ng mga dayuhang turista.

Doon na lang sila sumasakay sa mga safe na eroplano at sa mga bansang walang nasasagasaang traysikel at nalulubak na mga eroplano.

Siyempre pa, pati ang mga overseas Filipino worker ay hindi basta sumasakay sa mga eroplanong iniinspeksyon ng mga Filipinong inspektor.

It’s not more fun in the Philippines, Mr. Mon Jimenez.

MADADAYANG GAS STATION

Iniulat sa atin na may isinarang istasyon ng gasolina sa Quezon City.

‘Yun bang === kulang-kulang ang laman ng isang litro na ibinubuga ng nasabing istasyon.

Anak ng pitong putakte, napakamahal na ang gasolina at diesel sa Pinas, dinaraya niyo pa?

Hindi dapat na isara lang ang ganyang mga istasyon.

Dapat na kasuhan na rin sa pandaraya.

Pero teka.

Hindi ba ang dami ng ganyang istasyon?

Bakit isa lang ang ipinasara?

Kung tatanungin ninyo, mga Bro, ang mga jeepney driver na maya’t maya ay nagpapakarga ng diesel, maraming istasyon ang naoobserbahan nilang kung magkarga ng parehong dami ng langis na kanilang binibili sa iba, madaling maubos ito.

CALIBRATION ISANG BUWAN

Sa pagtatanong-tanong natin sa mga istasyon, marami pala sa mga ito ang may calibration na minsan sa loob ng isang buwan.

‘Yung iba naman ay nagsasabing araw-araw silang may calibration.

Pero alam ba ng mga inspektor na pagkatalikod nila ay nireretoke ng mga may istasyon ang mga metro ng mga istasyon ng gasolina?

At kung nagaganap ito, ang laking pandaraya ang ginagawa ng mga tarantadong ito.

INSPEKTOR NA MAY TONGPATS

Balik tayo sa pagtingin ng USFAA sa mga inspektor ng eroplano.

Hindi kaya ganito rin ang inspektor sa mga istasyon ng gasolina?

Hindi kaya pinasasakay rin ang mga ito sa eropla- ”tong?”

Kaya naman, buwanan kung mag-calibrate ang mga ito o matapos ang calibration ay nireretoke ang mga metro.

Maganda sigurong ilagay ang mga tarantadong ito sa lifestyle check.

AYOS BASTA INSPEKTOR

Buhay at kamatayan, mga Bro, ang usapin diyan sa eroplano at airport.

Ang pandaraya naman sa mga istasyon ng gasolina ay malakihang pandaraya at isa ito sa mga dahilan ng gutom at paghihirap ng milyong tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan.

Lahat ng ito ay kagagawan ng mga inspektor.

At ang mga inspektor na ito ay lisensiyado ng pamahalaan. Kaya naman, dapat sa pagtutuwid ng lahat ng ito, isama mismo ng pamahalaan ang sarili sa pagtutuwid

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply