Makinig sa mensahe

ANO’T ANO pa man ang mangyari sa tigil-pasadang nakaiskedyul ngayong araw—alam na natin kung sino-sino ang magsasabi na palpak ang  kilos-protesta at may magsasabi namang matagumpay ito.

Ang maliwanag ay hindi na natutuwa ang sambayanan sa nangyayari hinggil sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Maaaring may magsasabi pa ring pamemerwisyo lamang sa mga komyuter na nagmamadali sa paghahabol ng oras dahil mahuhuli sa pagpasok sa opisina o lugar ng trabaho at eskwela ngunit hindi na ito gaanong mapusok.

Sa ating palagay ay naiintindihan na ng mas marami ang pangangailangang magkaroon ng mas desperadong aksyon upang iprotesta ang panggigipit ng mga kompanya ng langis sa badyet at buhay ng mga mamamayan.

Napipikon na rin ang mas nakararaming kabilang sa lipunan sa kawalan ng pakialam at aksyon ng administrasyong Aquino na lubhang abala sa pagpapatalsik kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona, na ngayon ay isang buwan nang nakasalang sa impeachment trial.

Kung ang pagtingin ng administrasyong Aquino ay ang wastong prayoridad ay ang kinisin ang daan tungo sa pagpapakulong kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay hindi sumasang-ayon dito ang mga naghihikahos nang sambayanan.

Mahalaga ang hustisya, bakit hindi, pero ang mas mahalaga pa rin ay ang huwag magutom.

Gutom ang dinaranas ng parami nang paraming Filipino dahil sa tuwi-tuwinang pagtaas ng presyo ng langis.

Kung hindi ito naiisip ng kasalukuyang administrasyon ay dapat silang tumapak sa lupa at katotohanan ng ekonomiya natin ngayon at hindi ang magtambay sa alapaap ng pulitika.

Dapat pakinggan ng mga nasa kapangyarihan ang hinaing ng sektor ng transportasyon dahil milyon-milyong pamilya ang nakaatang sa industriyang ito.

Kung hindi magagawan ng paraan ng administrasyon ang sitwasyong ito, kahit na maabot ang “hustisya” sa kaso ni Corona ay hindi masasabing nagtagumpay ang gobyerno.

Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo? ‘Wag hayaang mamatay sa gutom ang kabayo.

Hindi ba nila naiisip ito? At ang isang napakaepektibong paraan upang tiyaking mabubuhay ang maraming mamamayan ay ibaba ang presyo ng mga produktong petrolyo.

‘Yan ang mensahe ng tigil-pasada.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply