Malakanyang kay Corona: Mga de kalibreng baril ipaliwanag

HINAMON ng Malakanyang si Supreme Court Chief Justice Renato Corona na ipaliwanag sa publiko ang pagkakaroon niya ng 31 iba’t ibang klase ng lisensiyado at de kalibreng baril na hindi niya isinama sa kanyang statements of assets, liabilities and net worth (SALN).

Ayon kay Deputy presidential spokesperson Abigail Valte, dapat lang na idineklara ni Corona sa kanyang SALN ang kanyang mga baril.

“Kung substantial ang value (If the value of the firearms is substantial), that has to be declared also in (his) SALN. It is something he will have to answer, if it was unreported asset on top of the bank deposits and the properties brought out in the impeachment trial,” ayon sa opisyal.

Nauna rito, batay sa rekord ng Philippine National Police (PNP) Firearms and Explosives Office malinaw na mayroong pag-aaring 31 licensed firearms ang punong mahistrado.

Nakasaad sa PNP records, kabilang sa pagmamay-aring baril ni Corona ang mga de kalibreng-baril mula sa revolvers hanggang sa high-powered machine guns.

Matatandaan noong 1997 ay inakusahan si Corona na nanutok ng baril sa isang caretaker sabay sabing, “Baka gusto mong pasabugin kita.”

Napag-alaman pa na karamihan sa mga baril ni Corona ay expired na ang lisensiya maliban na lamang sa dalawa nitong baril gaya ng .380-caliber pistol (Serial No. 374-2900), kung saan mage-expire ang lisensiya sa Oktubre 15, 2015; at isang 9mm machine pistol (T0624-07V0060978), na mag-e-expire naman ang lisensiya sa Oktubre 15, 2014.

Samantala, tikom ang bibig ng Malakanyang sa kumakalat na text messages kaugnay sa pagkakaroon ni Corona ng $1.8-million bank account.

“Nakatanggap ako ng text message. Utang na loob tigilan nyo ako (pero) wala akong information [tungkol sa umano’y dollar account ni Corona] na sinasabi ng text message,”  ayon kay Valte.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply