Trapik sa MM isinisi ng MMDA sa DPWH

ISINISI ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa sabay-sabay na pagkukumpuni ng mga lansangan ng Department of Publik Works and Highways (DPWH) kaya nagkakabuhol-buhol ang trapiko sa maraming lansangan sa Metro Manila.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, gumagawa sila ng lahat ng kaukulang hakbang, pati na ang pagtatalaga ng karagdagang traffic enforcers sa mga lansangang apektado ng matinding pagsisikip ng trapiko subalit sadyang marami at sabay-sabay ang isinasagawang pagkukumpuni ng DPWH kaya nahihirapan silang maibsan ang problema.

Partikular na binanggit ni Tolentino ang pagkukumpuni ng DPWH sa Osmeña Highway sa San Andres patungo ng Nagtahan Bridge na dinaraanan ng cargo trucks na 24-oras aniyang binabantayan ng traffic enforcers.

Kasabay pa rin aniya ito ng pagkukumpuni rin ng DPWH sa Anda Circle sa bahagi ng Port Area na pinanggagalingan din ng cargo trucks kaya halos 24-oras din ang masikip ang trapiko sa Delpan, patungo sa Anda Circle.

Hindi lamang aniya sa naturang mga lugar nagsasagawa ng pagkukumpuni ng mga pangunahing lansangan ang DPWH kundi sa mula Muntinlupa hanggang Malabon at bahagi rin ng EDSA sa Boni Serrano.

Sinasamantala aniya ng DPWH ang mainit na panahon kaya sabay-sabay ang isinasagawa nilang pagkukumpuni ng mga lansangan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply