Mali kay Renato, Tama kay Benigno

KUNG isa kayo sa mga sumusunod sa kabanata nina Pangulong Benigno Aquino at Chief Justice Renato Corona, hindi yung ilan na naghusga na at gusto ng ibitay si Corona, mapapansin ninyo ang ipokritong pamamalakad ng ating pamahalaan.

Nagsimula ito sa DVD Secretary na si Ronald Llamas na umaming bumibili siya ng piratang pelikula sa DVD pero ipinagtang-gol pa ni Aquino. Si Llamas din ang cabinet secretary na nahulihan ng matataas na kalibre ng hindi lisensyadong baril sa kanyang sasakyan.

Mabilis ang pagtatanggol ni Aquino kay Llamas. Wala naman daw masyadong masama sa ginagawa nito. Hindi naman daw dapat na ikondena agad sa kanyang ginawa si Llamas dahil sa pribadong kapasidad naman daw niya ginawa ang mga bagay na ito at hindi bilang kawani ng pamahalaan.

Ganyan din ang reaksiyon ni Aquino kay PAGCOR Chairman Cristino Naguiat.

Nakasama si Naguiat sa kasong bribery na isinampa ni USA gambling magnate Steve Wynn laban kay Kazuo Okada. Tumanggap umano ito ng pagkalaki-laking halaga ng pabor, pera at regalo si Naguiat mula kay Okada para lang makuha ang casino lease nina Wynn at Okada.

Dinala pa si Naguiat sa Macau kung saan nagtago ito sa ibang pangalan para siya ay i-blowout ng mga casino applicant na sina Wynn at Okada. Mabilis ang pagtatanggol ni Aquino kay Naguiat. Kalakaran umano sa PAGCOR ang naganap at hindi dapat isisi kay Naguiat. Sumusunod lang daw si Naguiat sa nadatnang kagawian.

Eh nasaan ang sinasabing “kung walang corrupt, walang mahirap” at “tuwid na daan?” Para lang ba ito sa mga taong nasa labas ng circle of life ni Benigno Simeon Aquino III? Kapag nasa loob ka ba ng group of trust ni Aquino ay untouchable ka na? Hindi na applicable ang “tuwid na daan?”

Pero lahat ng pagtatanggol ni Aquino sa dalawa niyang alipores ay hindi angkop kay Renato Corona, ang mahistrado mula sa impyerno, kung si Aquino ang pakikinggan mo. Pero lahat ng ibinabato nila kay Corona ay pareho ng pinaggagawa nila Llamas at Naguiat di ba? Ang totoo, ang kaso ni Naguiat ay siya ring kasong kinahaharap nina Corona at Miguel Arroyo, di ba?

Papaano mo ngayon lilitisin sina Corona at Miguel Arroyo kung ipinagtatanggol mo naman si Naguiat sa parehong kaso? Eh kung gamitin nila ang depensang ginamit mo para kay Naguiat at Llamas, sasabihin mong hindi ito na angkop sa kanila?

Salita ito ng ipokrito, ng isang taong hindi alam ang tama at mali pero sigurado sa kanyang gusto, ng isang bata na nagdadahilan para makuha ang nais, ng isang pinuno na ginagamit ang poder para makapang-abuso.

Yan ang “daang matuwid” ni Benigno Simeon Aquino III, deretso sa ibang tao, baluktot sa kanyang mundo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply