Mali-mali sa SSS, LTO at swimming pool sa Pinas

MAY kinabibiliban na mga ahensya ng gobyerno, meron ding isinusuka.

Alam ba ninyo ang isa sa mga hinahangaan na ahensya ngayon at alam din ba ninyo ang isa sa mga isinusuka?

ANG DFA

Isa sa mga okey sa mata ng ating mamamayan ang Department of Foreign Affairs.

Lalo na sa pag-aaplay ng pasaporte. Napakaingat umano ang mga taga-DFA sa paglalagay ng mga datos sa pasaporte.

Alam ba ninyo ang ginagawa rito?

Sa paglalagay ng aplikante ng mga datos sa pini-fill-up-an na mga form, umaalalay nang todo ang mga taga-DFA.

Lahat ng mga dokumento na meron ang aplikante, ginagawang pang-check sa mga datos.

DRIVER’S LICENSE,  SSS ID, VOTERS ID AT IBA PA

Ang maganda, papupuntahin ka sa kanilang ini-eencode sa computer at ipababasa sa iyo ang laman noon.

Kapag nag-go signal ka na walang mali, doon lang nila ipopormalisa  at isasapinal ang lahat.

Paglabas ng iyong pasaporte, kasalanan mo na kung may mali pa sa spelling ng iyong pangalan, address at kung ano-ano pa at petsa ng iyong kapanganakan.

Pagkuha mo sa iyong pasaporte, makikita mo na sakto ang lahat ng datos.

ANG SSS

Isa naman sa mga kinabubuwisitan ang SSS.

Ang daming reklamo sa atin, mga Bro, ukol sa mas mabagal pa sa pagong na pag-iisyu ng opisina ni SSS President Emilio de Quiroz Jr.

Mantakin ninyo, isang taon, dalawang taon, tatlong taon ang aantayin mo bago ka makakuha ng SSS ID.

PAG MAY MALI LAGOT KA

Heto pa, pag may mali sa mga datos, ang susungit pa ng mga taga-SSS sa pagsasabing kasalanan yan ng mga aplikante.

Pero alam ba ninyo na katulad din ng SSS ang DFA sa pagre-refer sa iba’t ibang ID bago sila mag-encode para sa SSS ID?

Ngayon kung nagkamali-mali ang spelling ng iyong ngalan o nagkandaletse-letse ang petsa ng iyong date of birth at pupunta ka sa kanila para magpa-correct, doon sa SSS Central Office ka papupuntahin.

Kesehodang taga-Mindanao o Visayas o Batanes ka.

WALA SILANG PAKIALAM

Pagkatapos, maririnig mo sa kanila na sila’y nagtuturuan kung sino ang dapat na mag-asikaso sa iyo.

Ang remedyo nila, mga Bro, para ma-correct ang entry ng iyong ID, magpa-affidavit ka. Eh di gastos yan.

Totoo, walang gastos sa pag-aaplay ng SSS ID pero napakagastos ang pagpa-correct lalo na kung manggagaling ka sa malayong lugar gaya ng nabanggit na natin.

O paano ito, Mr. De Quiroz?

LTO KAPAREHO NG SSS

Diyan din sa Land Transportation Office marami ang reklamo.

‘Yung tig-P5 na plastic jacket ng lisensya, ginagawang P20.

Ang lalakas pa ng boses ng mga animal na nakatalaga sa “releasing” sa pasigaw na pagsasabi ng “Bente Pesos.”

‘Yun pala, para sa plastic jacket na green o pula.

EWD FOREVER

‘Di ba pinalitan na ng flasher ang early warning device?

‘Yun bang === kukurap-kurap na ilaw kapag nagkaproblema o nagka-emergency ka sa kalsada.

Pero ang ilang tarantadong taga-LTO ay ipinipilit na magkaroon ang mga sasakyan ng EWD.

Heto ngayon ang matindi.

Kailangan na bumili ka sa mga taga-LTO sa halagang P500-P600 bawat isang set.

Eh kung bibili ka sa mga hardware o auto supply, anak ng tokwa, nasa P200-P250 lang. Ano yan, ha?

Parang yung bank account ni Chief Justice Corona na wala nang nakaaalam kung peke o genuine?

Heto pa, mga Bro.

Ang dami ring reklamo na maling spelling ng mga pangalan at date of birth.

Pero alam ba ninyo na hindi tumatanggap ng pagkakamali ang mga taga-LTO?

Ang gagawin nila sa iyo ay papupuntahin ka sa kani-kanilang mga suki na notario publico. At doon ka magpapagawa ng affidavit na ang mamahal.

Ano yan, hindi na ba talaga maalis ang pera-pera sa LTO?

May matitino ring taga-LTO pero may nakasisingit talagang mga tarantado riyan.

TAG-INIT NA

Summer na, tag-init na.

Kahit saan, naghahanap na ang tao ng pampalamig sa katawan at karaniwang tubig ang hinahanap ng mga ito.

Gusto nilang magbabad sa mga tubigan.

‘Yung mga sosyal, doon sa mga swimming pool ng matataas na building sila naliligo at nagsu-swimming.

‘Yun bang === pondong tubig na para sa sprinkler kung may sunog.

Meron ding mga pumupunta sa mga mamahaling sports arena o exclusive na swimming pool na may kasamang mga seksi o poging masahista bago at makaraan ang paliligo.

PASIG RIVER AT MANILA BAY

‘Yung iba, ang Pasig River at Manila Bay ay pupuwede na.

Eh ano kung tapunan ng ebak ng Metro Manila ang Pasig River? Sa Pasig River kasi lumuluwa ang mga napakalalaking tubo ng ebak mula sa mga opisina at kabahayan ng Metro Manila.

At ano kung panay dumi at polusyon din ang Manila Bay?

Basta nagtatapon na lang ng kanilang mga arinola ang mga may barko, kasama ang kanilang mga duming langis at iba pa.

Ang problema, walang pumipigil sa mga taong nagsu-swimming sa Pasig River at Manila Bay.

Ano nga pala ang gagawin natin sa mga lugar na ito at paano ba natin kokontrolin ang mga taong naliligo riyan, huh?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply