May ‘K’ ba si Gen. Mario dela Vega?

KAMAKAILAN ay tinalakay natin ang tungkol sa ginawang pagmumura at pagpapahiya ng isang colonel (superintendent) ng Quezon City Police district sa kanyang subordinate na major (Chief Inspector).

Kaya nagalit ang colonel ay dahil pinahuli ni major sa kanyang mga tauhan ang isang kubrador ng jueteng. Dahil sa panghuhuli, isinumbong siya (major) ng financier ng jueteng kay  colonel.

Kaya si major ay pinagalitan sa harap ng mga kapwa nilang pulis. Dahil lamang sa jueteng, nakatikim si major ng pagmumura na hindi naman dapat dahil ginagawa lamang nito ang trabaho.

Dahil sa pangyayaring ito, na-low moral ang maraming miyembro ng QCPD. Hanep, akalain mo ba naman kasing magalit si colonel kay major dahil sa jueteng, isang uri ng iligal na sugal.

Maraming pulis ng QCPD ang nakausap ng Chokepoint at hiling nila ay sibakin na sa puwesto ang anila’y ‘walanghiyang’ colonel, na ‘patong’ daw sa maraming iligal sa kanyang hurisdiksiyon.

At hiling din nila kay C/Supt. Mario dela Vega, bagong QCPD director, kasuhan niya ang colonel. Kung ‘di kikilos, anila, aba’y walang ‘K’ (karapatan) si general para manatili sa kanyang puwesto.

Sa QCPD, naging kalakaran na raw kasi ang pagbabawal ng mga station commander sa kanilang mga tauhan na manghuli ng iligal na sugal tulad halimbawa ng jueteng, lotteng at iba pa.

Ito’y, dahil ang mga commander na ito ay may mga ‘lagay’ o tumatanggap ng protection money mula sa mga gambling lord.

Noong nakaraang araw lamang, inanunsyo na naman ni PNP Dir. Gen. Nicanor Bartolome ang one-strike policy, na ang layunin ay tanggalin ang mga commander na mahuhulihan ng jueteng.

Napakatagal na ang polisya na ito pero hanggang anunsyo lamang naman kasi nga ‘di tunay na naiimplementa.

Ngayon, eh, andiyan na naman at ipinanganagalandakan na naman ni Gen. Bartolome.

Kung sa QCPD nga, eh, pinahuli ng isang major ang jueteng, pero ang napala ay pambubulyaw sa kanya ng kanyang police commander na superior.

Oh, ano ngayon ang masasabi mo, Gen. Bartolome, sir?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply