Maynilad maninira ng kalsada

BATID kaya ng pamunuan ng Maynilad na napakalaking perwisyo ang ginagawa nilang paghuhukay ng kalsada sa buong Kamaynilaan?

Oo nga’t may proyekto silang ginagawa – ang mag-rehabilitate ng mga tubong daluyan ng kanilang patubig, pero ang siste, iniiwanan ang mga kalsada pagkatapos hukayin.

Kaya ang resulta – nagkakabuhol-buhol ang trapiko dahil sa mga sira at naghambalang nilang mga gamit sa lugar ng kanilang digging sites.

Umikot ka sa Metro Manila at mabubuwisit ka sa kaliwa’t kanang hukay na isinasagawa ng Maynilad.

Sa Malabon lamang na hindi naman masyado ang trapiko, aba’y ngayon ay maihahalintulad na ito sa Makati, Mandaluyong at Manila sa problema ng trapiko dahil sa isinasagawang paghuhukay sa lugar.

Matagal nang ganito ang ginagawa ng Maynilad. Matapos hukayin ay tatabunan lang ng graba at pagkatapos ay iiwan na.

‘Di ba dapat nilang sementuhin ang kanilang mga hinihukay para maibalik ito sa dati nang sa ganon ay ‘di ito maging dahilan ng pagsisikip ng trapiko?

Kailangan ay maging matigas ang mga alkalde sa Metro Manila sa pagbibigay ng permit sa paghuhukay ng Maynilad sa kanilang mga lungsod.

Dapat ay magkaroon sila ng kasulatan o agreement na pagkatapos hukayin ang kalsada ay ibalik nila ito sa dati.

Sa nakikita kasi ng Chokepoint, tila, malambot ang mga mayor sa kanilang mga patakaran kaya kahit ano ang gawin ng Maynilad ay ayos lamang.

Subukan mong pahintuin ang paghuhukay ng Maynilad sa kanilang rehab project at siguradong ito’y susunod sa maayos na paraan.

Ibig ba nating pakahulugan eh, sila’y mag-iingat na. Siguradong kukumpunihin nila ang mga hinukay na kalsada sa takot na baka sila’y pahintuin sa pagsasaayos o rehab ng kanilang proyekto.

Kaya ang kailangan lamang, eh, maging istrikto o maging matigas ang mga Local Government Unit sa pagtutok sa maling pamamaraan ng Maynilad sa pagsasagawa ng kanilang digging jobs.

Sa laki naman ng kanilang kinikita sa negosyo nilang tubig eh, iwan na lang natin kung ‘di susunod ang mga iyan sa tama.

Kaya ang hiling natin sa Maynilad management, aba’y umayos naman kayo sa inyong paghuhukay sa mga kalsada.

Kung nagawa ninyong sirain ang kalsada dahil sa inyong paghuhukay, aba’y ibalik n’yo naman sa dati nitong ganda pagkatapos ninyong hukayin.

Walang magagalit kung maayos ang inyong ginagawa. Yun lang.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply