M’cañang nadismaya sa naudlot na pagharap ni Corona sa trial

NAGPAHAYAG ng matinding pagkadismaya ang Malakanyang sa naudlot na pagharap sana ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa impeachment trial upang ihayag ang kanyang panig ukol sa ‘di umano’y iregularidad sa kanyang bank records.

Inamin ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, na nalungkot sila sa naging pahayag ni defense lead counsel Serafin Cuevas na ‘ruled-out’ na ang posibilidad na pagtestigo ni Corona sa impeachment court na taliwas naman sa naging pahayag ni Atty. Tranquil Salvador na handa si Corona na humarap kung kinakailangan.

Para kay Valte, umaasa silang magkaroon ng iisang pahayag ang mga abogado ni Corona para maiwasan ang kalituhan.

Matatandaang sinabi mismo ni presiding officer at Senate President Juan Ponce-Enrile na mas makabubuti sa punong mahistrado kung siya mismo ang sasagot sa mga alegasyon laban sa kanya.

Sinabi ni Valte na kung sila lang ang masusunod ay mas mabuting humarap si Corona para masagot ang bawat alegasyon, tulad umano ng kanyang pangako sa mga talumpati.

“Hopefully there will be a more unified statement coming from the defense panel on this,” ang pahayag ni Usec. Valte.

Nauna rito, binasura ni Cuevas ang mga panukala na ipatawag nila si Corona sa witness stand upang humarap sa impeachment court.

Aniya, iginagalang niya ang panawagan ng Senate President at iba pa pero kung siya ang magdedesisyon ay hindi niya papayagan ang kanyang kliyente.

Hindi aniya maganda na haharap sa impeachment court si Corona at tatanungin ng walang patumangga ng mga senador-judge.

Wala rin aniya siyang karapatan na mag-object sa mga pagtatanong at baka siya pa ang madeklarang out of order.

Nauna rito sinabi ng isa pang defense lawyer at spokesman na si Atty. Ramon Esguerra, na gustong mag-testify at magpaliwanag mismo ni Corona pero hati ang posisyon ng legal team.

Sinasabing dalawang linggo na aniya silang nagdidiskusyon hinggil sa naturang usapin at muli itong pag-uusapan.

Sa kabilang dako, muling iginiit ni Cuevas na hindi maaaring tanggapin ng impeachmeht court ang ebidensiya na nakuha sa iligal na paraan.

Ang tinutukoy ni Cuevas ay ang mga dokumento sa bank records ni Corona na naging sentro ng subpoena matapos na aminin ng prosekusyon na natanggap nila ang record na ibinigay ng “little lady.”

Aniya, sakaling magdesisyon ang mga senator-judge na tanggapin ito, isa sa magiging remedyo nila ay magpasaklolo sa Korte Suprema at maghain ng petition for certiorari.

Subalit, kahit magpetisyon sila ay wala ring mangyayari sa dahilang matatagalan pa magdesisyon ang kataas-taasang hukuman habang tuloy-tuloy naman ang impeachment proceedings.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply