M’cañang no comment sa contempt vs Aguirre

NO COMMENT ang Malakanyang sa naging desisyon ng impeachment court na i-contempt ang isa sa mga abogado ng prosecution panel na lumilitis kay Chief Justice Renato Corona.

Sinabi ngayon ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, na wala silang komento sa naging desisyon ng impeachment court laban kay Atty. Aguirre.

Matatandaang karaniwan nang ipinagtatanggol ng Malakanyang ang prosekusyon lalo sa kanilang pagprisinta ng ebidensya laban kay Corona.

Kahapon, sa ika-26 na araw ng impeachment trial laban kay Chief Justice Renato Corona ay nagkaroon ng tensyon at komosyon.

Ito’y matapos na magkasagutan sina Senator-Judge Miriam Defensor-Santiago at private prosecutor Atty. Vitaliano Aguirre ng prosekusyon.

May kaugnayan ito sa pagtatakip ni Aguirre ng mga tenga habang nagsasalita si Santiago patungkol sa pag-withdraw ng prosekusyon ng limang articles of impeachment.

Napag-usapan sa korte ang ginawa ni Aguirre nang tanungin ni Senator-Judge Jinggoy Estrada ang private prosecutor kung bakit ito nagtakip ng tenga.

Ayon kay Estrada, kabastusan ang aktong ito ni Aguirre para sa isang senator-judge.

Sinagot naman ito ni Aguirre na sinadya niya ang pagtakip ng dalawa niyang tenga dahil nasasaktan siya sa mga pinagsasabi ni Santiago na sobra na ang pag-alispusta sa kanila.

Nagbitaw kasi ng mga salita si Santiago laban sa mga prosecutors sa pangunguna ni Rep. Neil Tupas.

Ilan sa mga salita ni Santiago ay pina-strike out sa records ni House deputy lead prosecutor at Ilocos Rep. Rudy Fariñas dahil hindi umano karapat-dapat itawag sa kanila lalo ang salitang “gago,” bagay na hindi naman tinutulan ni Miriam.

Tinanong naman ni Estrada kung bakit hindi na lang nag-walkout si Aguirre kung ayaw nitong makinig o mag-object sa mga pinagsasabi ng senadora na hindi nagustuhan.

Nagmatigas pa rin si Aguirre at nagpaliwanag na wala raw siya sa katayuan na tumayo.

“Kung nakasakit ang actuations ko po, I really did it purposely because totoo naman po na shrill ang voice, nasasaktan ang tenga ko,” ani Aguirr. “Dapat po lamang na kahit ang senador ay judges at kami ây hamak na prosecutors, ang pinaka-importante sa isang tao eh respeto. If you demand respect dapat respetuhin mo rin ang abugadong ito sapagkat ang human dignity walang kapalit.”

Ani Aguirre, 40 taon na siya sa litigation at ngayon lamang siya nakarinig ng mga salita ni Santiago.

Dito na nagpanting lalo ang tenga ni Santigao at muling tumayo.

Sa ikalawang pagkakataon muling inulit niya ang mosyon na ipa-contempt si Aguirre na palabasin ng korte at kaladkarin ng Senate Sgt-at-Arms.

Umapela naman ang presiding officer na si Senate President Juan Ponce-Enrile na kumalma subalit ayaw magpaawat ng magkabilang panig.

Dahil dito ay nagdesisyon si Enrile na suspindihin muna ang pagdinig.

Kaagad na nilapitan ni Miriam si Aguirre para komprontahin at nagsunuran din ang kasamahang mga senator-judge.

Si Aguirre naman ay tuluyang pinalabas na lamang ng impeachment court na iniskortan ng Senate guard.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply