Mga tsuper umiiyak na

UMIIYAK na ang milyong tsuper ng mga dyipni at traysikel sa buong repablik ni Juan.

Umiiyak na dahil sa sobrang taas ng gasolina at disel. Kung bago mag-Pasko ay nasa P1,000-P1,200 ang isang pul tank sa dyipni, ngayon nasa P1,500 na.

Kinalos ng oil price hike ang inaasahan nilang kita na nasa P200-P300 sa isang araw.

Kung nasa P400 lang ang maghapon na konsumo ng mga traysikelan noon, nasa P550-P600 na ngayon. Kaya pambawndari na lang ang kinikita ng mga ito.

Ang dulo nito ay gutom sa kani-kanilang mga pamilya.

oOo

Pero hindi lang ang kawalan o liit ang kinikita ng mga ito, Suki, ang sanhi ng kanilang gutom.

Naglipana na ang mga trapik enporser na hindi yung mag-ayos ng trapiko ang namber wan na trabaho kundi ang manghuli nang manghuli para sila kumita sa komisyon.

Wala nang ginawa ang mga tsuper kundi ang pumunta sa mga munisipyo para tubusin ang kanilang mga lisensya?

Marami na ang nakararanas na tatlong araw na lang ang biyahe dahil sa tatlong araw, yang tumubos ng lisensya ang kanilang ginagawa.

Ito namang mga taga-LTO na ganid din sa komisyon, Suki, kung umangal o mangatwiran ang mga tsuper, dinaragdagan ang paghihirap ng mga ito.

Kinakaladkad nila sa emission test ang lahat ng mga sasakyan saka nila babarurutin ang silinyador. Kapag umusok ang tambutso dahil hindi kayang sunugin ng makina ang gasolina o disel, kasunod na yan ng multa.

Ang mga highway patrol group, dahil  HPG  sila, kung mangotong ay doble dahil hindi na umano sila basta pulis lang.

oOo

Ang gobyerno na mismo ang nakikita ng mga tsuper na pahirap sa kanila.

Hindi na nga binabawasan ang EVAt sa pet-rolyo, kung ano-anong panghuhuli pa ang ginagawa ng mga ito, kasama ang mga dagdag nilang pagkakakitaan gaya ng emission test.

O PNoy, paano ito?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply