Militante planong kasuhan sa pag-aaklas nang walang permiso

KAHIT mapayapa ang ikinasang caravan protest laban sa pagtaas sa presyo ng gasolina kahapon (Marso 15), pinaplano ng awtoridad na kasuhan ang ilang protesters dahil sa abalang idinulot nito sa publiko sa kanilang aksyon.

Ikinokonsidera ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagsasampa ng kaso laban sa protesters dahil sa pagharang nila sa kalsada bilang protesta, na nabatid na walang kaukulang permiso mula sa city government.

Ayon sa pulisya, dahil sa ikinasang protesta, nagsikip ang daloy ng trapiko sa ilang lugar tulad sa North Triangle area, na nagdulot ng pagngingitngit ng mga motorista.

Ilan pa sa mga protester ang nagdala ng kanilang mga anak na ang ilan ay nakitang kasama sa konprontasyon laban sa mga pulis.

Gayunman, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority MMDA chairman Francis Tolentino, ang pag-aaklas ay naging tahimik.

“Sa Ayala … halos wala rin, napaghandaan talaga ‘yan. May report na may iilan sa Roosevelt na gumamit ng pako, pero hindi nahuli. Sa pangkalahatan po e peaceful naman,” pagmamalaki ni Tolentino.

Ganito rin ang naging reaksyon ni Interior Secretary Jesse Robredo na nagsabing zero ang untoward incident kahapon. Pinuri rin ni Robredo ang mga awtoridad matapos mapanatili ang katahimikan.

Samantala, ipinakilala rin ng mga protest organizer ang alternatibo sa planking (paghiga ng tuwid sa kalsada), ang tinagurian nilang “noynoying.”

Ang noynoying o pag-upo sa kalsada nang nakatunganga, ay ang paglalarawan ng mga protester kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na anila ay walang ginagawa sa nagaganap na pagtaas sa persyo ng petrolyo.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply