Minsan may isang pangarap

“EVERY success starts with a dream”- isang aral na napulot ko sa bansang Indonesia nang makapanayam ko si Mel Regalado, isang matagumpay na pinoy.

Tubong Tondo, Manila si Mel. Bata pa lamang ay nangangarap na siyang magtagumpay, kung kaya’t ang kanyang pangarap ay sinabayan niya ng pagsisikap at pagtitiyaga, hanggang sa maging isa siyang ganap na CPA o certified public accountant.

Nagtrabaho siya bilang isang financial comptroller, subalit dahil na rin sa kanyang pangarap na mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya ay nagdesisyon sila ng kanyang napangasawa na lisanin ang bansa at magtungo sa bansang Indonesia, nang minsang magbukas ang isang oportunidad doon.

Hindi nilayon ni Mel na magtagal sa nasabing bansa sapagkat ang kanyang orihinal na plano at hinahangad ay makapag-ipon at makabili ng sariling bahay at lupa para sa kanyang pamilya.

Sa Indonesia, ay nagtrabaho siya sa isang property company na nagpu-put-up at nagse-set-up ng mga hotel bilang isang financial comptroller gaya ng kanyang iniwang trabaho sa Pilipinas. Subalit nang magbukas ang mga nasabing hotel ay naitalaga siya bilang isang COO o chief operating officer na namamahala sa buong hotel.

Masasabing isang tagumpay na ang tinatamasa niya bilang COO nang biglang magkaroon ng problema sa Indonesia, at napilitang umuwi ng Pilipinas si Mel at mag-resign sa kanyang trabaho.

Subalit tila sadyang parte ng kanyang kapalaran na sa ibang bansa magtrabaho, sapagkat isang oportunidad na naman na magbalik sa Indonesia ang dumating nang tawagan siya ng kompanyang pinagtatrabahuhan ng kanyang asawa upang muling magbalik at magtrabaho sa nasabing bansa.

Noon siya naatasan na maging isang senior vice president at pagkatapos ay maging director for corporate finance ng nasabing kompanya, habang patuloy niyang pinatutunayan ang kanyang kakayahan kasabay ng patuloy na pagsisikap at pagtitiyaga.

Sa ngayon, isa na siyang president at chief operating officer ng Matahari Foods Business, na kompanya na nagmamay-ari ng ilang malalaking branch ng supermarket sa buong Indonesia.

Patuloy na pinauunlad ni Mel ang nasabing kumpanya at patuloy na nangangarap na mas mapalago at mapalaki ito.

Ang bawat tagumpay ay nagsisimula sa isang pangarap, isang pangarap na dapat sabayan ng pagsisikap, pagtitiyaga, dedikasyon, pananalig sa Panginoon- at higit sa lahat gawa o aksyon.

Totoo ang kasabihan -‘those who succeed are those who dream’, gaya na lamang ni Mel Regalado na minsang nangarap at nabigyang buhay ito dahil sa kanyang patuloy na pagtitiyaga, labis na kasipagan at dahil na rin sa biyaya ng Maykapal, na siyang nagpapahintulot sa lahat.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply