Miyembro ng ‘Pitas Hikaw Gang’ nadakip

NADAKMA ang isang miyembro ng “Pitas Hikaw Gang” matapos magreklamo ang isang 80-anyos na lola na kanyang nabiktima sa Binondo, Manila, kaninang umaga.

Nakilala ang suspek na si Wilfredo Eustaquio, tambay ng 1164 Int. F. Varona St., Tondo, makaraang magbigay ng salaysay ang biktimang si Lola Flora Robles, balo ng Palo Alto, Calamba, Laguna kay Chief  Insp. Efren Pangan, hepe ng MPD-Police Community Precinct (PCP) Juan Luna sakop ng Binondo Police Station 11.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong 10:30 ng umaga nang maganap ang nasabing paghablot sa magkabilang hikaw ng biktima sa kahabaan ng  Claro M. Recto Avenue sa Divisoria sakop ng Binondo.

Sa salaysay ng biktima, nakasakay umano sila ng dyip patungong Divisoria kasama ang kanyang anak nang bigla umanong lumapit ang suspek,  at walang sabi-sabing hinila ang magkabilang suot niyang hikaw.

Hindi naman nag-aksaya ng panahon si Lola Flora, nang mamataan nito si C/Insp. Pangan ay inireport ang nangyari. Inatasan naman ni Pangan ang kanyang mga tauhan na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Nagbabala naman si Pangan sa mga mamimili partikular na sa lugar ng Divisoria na mag-ingat sa masasamang loob.

“Kung mamimili kayo partikular na sa lugar ng Divisoria, dapat wag na kayong magsuot ng alahas dahil takaw tingin ang mga ito sa mga snatcher. Maging alerto din at kung may mangyayaring snatching ay kilalanin ang suspect at agad na humingi ng tulong sa pulisya,” babala ni Pangan sa publiko.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply